Determinado si Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito na isulong ang imbestigasyon sa umano’y maanomalyang pagbili ng Department of National Defense (DND) ng 21 refurbished UH-1 helicopter para sa Philippine Air Force kahit pa hindi ito itinuloy ng kagawaran.

Sinabi ni Ejercito na kahit pa hindi itinuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa kontrobersiya, hihilingin niya sa kanyang mga kabaro na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa isyu.

“Sayang, pero kahit walang committee report we were able to prevent them from further purchase,” pahayag ni Ejercito. “’Yung dapat 21 naging seven na lang. And then the Air Force acquired new ones already—some Bell 412 helicopters, so I would say that (the hearings) didn’t go to waste.”

Tiniyak ni Ejercito na bubuhayin niya ang imbestigasyon ng Senado sa chopper deal controversy sa pagbubukas ng 17th Congress sa ilalim ng bagong administrasyong Duterte, para sa kapakanan ng mamamayan.

National

Leni Robredo binisita puntod ng asawa bago tuluyang naghain ng COC sa Naga City

Inihalintulad ni Ejercito ang sinapit ng imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Teofisto “TG” Guingona III sa umano’y iregularidad sa bidding ng mga plaka ng sasakyan sa kontrobersiya sa chopper deal, na nagbunga ng positibong resulta ang pagsusulong sa kaso at naudlot ang transaksiyon. (Hannah L. Torregoza)