BINIGYANG-DIIN ng ABS-CBN ang kahalagahan ng kalayaan sa pamamahayag at ang kontribusyon nito sa kasaysayan ng bansa sa taunang paggunita ng Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12 sa “Isang Pamilya Tayo: The ABS-CBN Flag Raising Ceremony” kasabay ng paggunita rin ng ika-30 anibersaryo ng DZMM.

Ayon sa ABS-CBN Integrated News and Current Events head na si Ging Reyes, kalayaan ang pundasyon ng opisyal na AM radio station ng Kapamilya Network mula nang bumalik ito sa ere pagkatapos ang People Power Revolution noong 1986, hanggang sa pagdiriwang nito ng 30 taong pangunguna sa balita at una sa public service ngayong 2016.

“Sa paggunita ng ika-118 taon ng ating kalayaan, at bilang parangal sa bandilang ating iwinawagayway, sama-sama nating ipagdiwang ang 30 taon ng DZMM at muli nating pagtibayin at isulong ang kalayaan sa pamamahayag, ang matapang na pagbabalita, at tapat na paglilingkod,” ani Reyes.

Sinariwa niya ang mga pangyayaring ibinalita ng DZMM na humubog sa kasaysayan ng bansa, kabilang na ang paglubog ng MV Doña Paz, lindol sa Central and North Luzon, ang pagsabog ng Mt. Pinatubo, at ang mga bagyong ‘Ondoy’ at ‘Yolanda’.

Events

Sa pagtakbong senador ni Willie: Wil To Win, magpapatuloy pa ba sa ere?

“Inilalahad po ng DZMM ang kasaysayan ng Pilipinas habang ito ay nangyayari. Buhay itong saksi sa mga istorya ng tagumpay at kabiguan ng bayan, ng trahedya at pagbangon. Sa nakalipas na mga taon, nakatulong ito sa pagdudulot ng pagbabago,” saad ni Reyes.

Ibinahagi rin ni Reyes na DZMM “ang nanguna at nagtakda ng kalakaran” sa pamamagitan ng paglulunsad ng online live streaming, pati na ng matagumpay nitong TeleRadyo format bilang isang cable channel at bilang isang ekslusibong libreng channel sa ABS-CBN TVplus.

Ipinalabas naman sa seremonya ang bagong music video ng himpilan, tampok ang theme song nitong inawit ni Piolo Pascual, ng mga dati at kasalukuyang anchor, hindi malilimutang coverages, at mga programa sa nakalipas na 30 taon.

Sa naturang event, pinangunahan ng The Voice Kids finalist na si Reynan Del-anay ang pag-awit ng Lupang Hinirang, at kinanta naman ni Darren Espanto ang Bayan Ko.

Pinangunahan nina Zen Hernandez at Atom Araullo ang “Isang Pamilya Tayo: The ABS-CBN Flag Raising Ceremony,” na binigyang-diin din ang mahalagang papel ng “millennials” o kabataang edad 18 hanggang 32, sa pagkamit ng inaasam na pagbabago sa bansa.