Isang matandang babae ang natagpuang palutang-lutang sa Pasig River sa Quiapo, Manila, kahapon ng umaga.

Sinabi ni PO3 Joseph Kabigting, ng Manila Police District (MPD), na hindi pa rin tukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima at kung paano ito namatay.

Inilarawan ng pulisya ang biktima na 60 hanggang 65 taong gulang, may suot na asul at puting T-shirt at panty na may floral prints.

Ang bangkay ng lola ay natagpuan ni Ronald Butol, security guard ng Feati University, habang palutang-lutang sa Pasig River sa likuran ng Feati University, dakong 7:00 ng umaga.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Agad na ipinaalam ni Butol sa Sta. Cruz Police Station ang natagpuang bangkay, na pinaniniwalaang tinangay lang ng malakas na agos sa lugar.

Sinabi rin ni Kabigting na walang sugat o palatandaan sa ano mang bahagi ng katawan ng biktima na ito ay sinaktan o sadyang pinatay.

Dinala ang bangkay ng lola sa St. Rich Funeral Homes upang sumailalim sa awtopsiya. - Analou C. de Vera