Inabot ng mahigit 10 oras bago naapula ng mga bombero ang sunog na tumupok sa mahigit 200 tindahan sa Malabon Public Market, nitong Biyernes ng gabi.
Sinabi ni FO4 Rogelio Gayon na nagsimula ang sunog hatinggabi nitong Biyernes sa isang electronic shop sa loob ng pampublikong pamilihan sa Barangay Tanong.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog dakong 4:00 ng umaga kahapon.
Ayon pa kay Gayon, mabilis na kumalat ang apoy sa mga kalapit na tindahan na nagbebenta ng mga produktong plastik.
Sinabi rin ng mga stall owner na nahirapang makapasok ang mga fire fighter sa establisimyento dahil sa kakulangan ng face mask.
Nagdeklara ng fire out ang Bureau of Fire Protection dakong 10:00 ng umaga, ayon sa isang imbestigador. (Jel Santos)