SA Pilipinas at maging sa ibang mga bansa, ang ikatlong Linggo ng Hunyo ay mahalaga at natatanging araw sapagkat ipinagdiriwang ang Father’s Day o Araw ng mga Ama.

Kung ang ina ang nagsisilbing ilaw ng tahanan, ang ama naman ang haligi ng tahanan. Kung mahalaga ang papel ng mga ina sa buhay ng kanilang mga anak, gayundin ang papel na ginagampanan ng mga ama. Ang Father’s Day ay isang espesyal na araw upang parangalan ang mahalagang gampanin ng mga ama at kanilang kontribusyon sa buhay ng mga anak, pamilya, at lipunan sa kabuuan. Sinasabing matibay ang buklod ng pamilya kapag patuoy ang suporta, pag-ibig at paggabay ng ama sa kanyan gmga anak. Tumitibay ang buklod ng pamilya. Nakasalalay sa ama ang espirituwal, emosyonal, pisikal, pinansiyal at pagiging mabuti ng mga anak. Sa mga anak na babae, ang ama ang itinuturing nilang ideal man at unang lalake na kanilang hinahangaan. At para naman sa mga lalaking anak, ang ama ang kanilang idolo at ang pinakamalakas na tao na nais nilang tularan. Ang ama ang tagapagtaguyod ng pamilya.

Sa ating makabagong panahon, maraming ama ang nangingibang bansa upang doon magtrabaho at magpaalipin sa hangaring mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak Nagsasakripisyo na malayo sa pamilya mapagtapos lamang sa pag-aaral ang mga anak. Naniniwala na ang edukasyon ang tanging pamana sa kanlamg mga anak ang magiging susi sa kanilang magandang bukas at mag-aahon sa kahirapan. Sinasabi rin na ang lakas ng bawat pamilya ay nakasalig sa pundasyong ginawa ng isang ama na katulad ng isang karpintero na nagtayo ng bahay. Kung ang istruktura ng bahay ay mabuti ang pagkakabalangkas, at matibay ang mga materyales, ay matibay at nagtatagal. Kung ang isang ama ay mapagkalinga sa kanyang asawa at mga anak, ang buklod ng pamilya ay patuloy at mananatiling matatag kahit dumarating kung minsan ang mga tukso at pagsubok sa buhay.

Ang pagdiriwang ng Father’s Day ay sinimulan at itinaguyod ni Ms. Sonora Louise Smart Dodd, ng Spokane, Washington, United States. Unang ipinagdiwang noong Hunyo19, 1910 na sinuportahan ng Spokane Minisries Association at ng Young Men’ss Christian Association. Pinagtibay ni President Woodrow Wilson ang pagdaraos ng Father’s Day noong 1924, at noong 1966, nilagdaan ni US President Lyndon Johnson ang Presidential Proclamation na nagpapahayag na ang ikatlong Linggo ng Hunyo ay Araw ng mga Ama. Pinagtibay naman ni President Richard Nixon ang permanenteng pagdiriwang noong 1972. Ipinagdiwang na rin sa Europa, Canada at sa mga bansa sa Asya makalipas ang maraming taon.

Sa Pilipinas, nagsimula ang pagdiriwang ng Father’s Day sa pamamagitan ng Presidential Proclamation na nilagdaan ni dating Pangulong Corazon Aquino noong Hunyo 8, 1988. (Clemen Bautista)