SA magkahiwalay na lugar itatalaga sa tungkulin ang dalawang pinakamataas na pinuno ng ating bansa. Ang nahalal na Pangulo na si Mayor Rodrigo Duterte ay manunumpa sa Malacañang, habang ang Bise Presidente na si Leni Robredo ay sa Executive House na pag-aari ng Quezon City. Limitado ang mga bisitang sasaksi sa dalawang okasyong ito na mahalaga hindi lamang sa mga itatalaga kundi pati sa sambayanan. Ito kasi ang simula ng kanilang panunungkulan sa bayan.
Magkaiba ang partido pulitikal ng dalawa. Nanalo si Pangulong Digong bilang kandidato opisyal ng PDP-Laban, samantalang si VP Robredo, ay Liberal Party (LP). May mga isyung magkaiba ang posisyon ng dalawang partido. Inihayag ito ni Pangulong Digong at Sec. Mar Roxas, kandidato ng LP sa pagkapangulo, sa mga presidential debate na naganap bago maghalalan. Ang PDP-Laban ay pabor sa death penalty, pero ang LP ay laban dito. Sa pagpapalibing kay Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani, sumasang-ayon ang PDP-Laban, pero hindi naman kumakatig dito ang LP.
Parehong abogado sina Pangulong Digong at VP Leni. Ang pagkakaiba ng dalawa ay nanungkulan sa gobyerno sa iba’t ibang kapasidad ang Pangulo. Siya ay naging piskal at alkalde ng Davao City ng mahabang panahon. Si Leni ay matagal ding nanilbihan sa publiko sa pribadong kapasidad bilang katuwang ng kanyang pumanaw na asawa na si DILG Sec. Jesse Robredo noong alkalde pa ito ng Naga City. Naging Kongresista lang siya ng Naga nang kumandidato at manalo nang masawi ang kanyang asawa. Pero, manunungkulan siyang bise presidente na hindi banyaga sa kanya ang kalagayan, hinaing at pangangailangan ng mga dukha na kung tawagin niya ay mga nasa laylayan ng lipunan.
Kaya, sa isyu ng death penalty, magkasalungat ang posisyon ng dalawa. Dahil nanungkulan nang matagal sa gobyerno si Pangulong Digong, lalo na sa piskal, naipagkakamali niya ang kahinaan ng mga taong gobyerno bilang kahinaan ng sistema ng hustisya. Dahil hindi masawata ng sistema ang krimen, kay Pangulong Digong, short-cut na pamamaraan na at kamay na bakal ang gamitin. Dahil nababad naman si Leni sa kinalalagyan ng mga dukha, nakita niya ang kahinaan ng mga taong nagpapatakbo sa sistema ng hustisya. Kapag pinakilos nila ang makina nito, ang pinipiling gilingin ay ang mga dukha. Kaya, tutol siya sa death penalty. Pero ano man ang posisyon ng dalawa sa mga isyung mahalaga sa sambayanan, walang dahilan para hindi sila magkaisa sa ikabubuti ng lahat. Ang magkasalungat na opinyon ay magpapalabas sa higit na katanggap-tanggap na posisyon. (Ric Valmonte)