Naniniwala ang mga health expert na malaki ang maitutulong ng mga eskuwelahan sa laban kontra obesity, na delikado sa kalusugan.
“Magandang mungkahi natin kung may mga politicians who will take issue is really to make laws or bills that will address this problem. Like sa schools, meron ba tayong mga canteen na regulated? Nare-regulate ba ‘yung itinitinda doon, tapos mayroon bang space that will allow our children to exercise?” sinabi ni Dr. Lorna Abad, pediatrician-endocrinologist, sa isang health forum.
Sinabi ni Abad na inaalam din ng mga doktor kung nasa curriculum ng mga paaralan ang pagtugon sa pangangailangan sa nutrisyon ng mga bata.
“In fact, nutritional education should also address to the parents. Like sa pag-prepare ng baon. Karamihan sa mga pasyente ko [tinatanong ko kung] ano ba baon ng mga bata? [Sabi] hotdog, chips, processed foods, cookies,” sabi ni Abad.
Ayon kay Abad, dapat na may mga panuntunan sa paghahanda ng baon ng mga bata, na dapat umanong may gulay, prutas, at dairy products, at iwasang magpabaon ng matatamis na inumin.
“So dapat walang mga softdrinks sa schools at walang naka-tetra pack juices. Dapat natural juices. Dapat may limit ‘yun; dapat nililimitahan ‘yung juice, dapat four ounces lang at dapat kino-compute ‘yung calories,” aniya, iginiit na dapat na hindi hihigit sa 200 calories ang recess snacks ng mga bata.
Sinabi ni Abad na pinakaimportante na magkaroon ng batas upang labanan ang obesity, at malaki ang maitutulong ng mga eskuwelahan para matiyak na maiiiwas ang mga estudyante sa sobrang katabaan. (Charina Clarisse L. Echaluce)