Paano mabibigyan ng magandang serbisyo ang 40,000 Russian tourist kung mayroon lamang dalawang certified Pinoy guide?

Ganito inilarawan ng Department of Tourism (DoT) ang matinding kakulangan sa mga tourist guide habang dumadami ang banyagang bumibisita sa bansa.

“In 2013, we have 41,254 Russian tourists who visited the country. However, we only have two Russian tour guides. So that would mean to day the ratio is about one Russian guide for every 21,627. So how can you do that?” tanong ni Tourism Assistant Secretary Rolando Alan Cañizal sa Tourism Skills Forum sa Makati City nitong Martes.

Aniya, malaki ang demand sa mga Pinoy tourist guide na nakapagsasalita ng Japanese, Mandarin, Korean, Cantonese, Spanish, French at German.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Ito ay sa kabila na ang South Korea, China, Japan, Spain, France at Germany ang may pinakamalaking bilang ng turista na dumaragsa sa Pilipinas taun-taon.

Ang kakulangan sa mga tourist guide ay resulta ng kapabayaan sa pagsusulong ng training at education para sa naturang sektor.

Sinabi rin ni Canizal na ang kakulangan sa skilled workers ay maaaring lumawak sa ibang sektor ng industriya ng turismo.

Kabilang sa mga “hard-to-fill occupations” hanggang 2020 ay ice carver, cake decorator, cuisine chef, executive food and beverage attendant, food safety expert, gourmet chef, licensed wine expert, airport representative (multi and bi-lingual), at interpreter ng Mandarin at Korean. (Samuel P. Medenilla)