Green vs LeBron sa Game Six; Warriors, asam na tapusin ang NBA Finals.

CLEVELAND (AP) — Panghihinayang ang naibulalas ni Draymond Green sa kabiguan ng Golden State Warriors na tapusin ang NBA Finals sa Game Five sa Oracle Arena.

Ngunit, kung may dapat managot sa naantalang selebrasyon, ang sarili ang itinuturo niyang salarin.

“I’m a terrible teammate,” pahayag ni Green sa media conference, sa kanyang-kauna-unahang pagsasalita sa publiko matapos masuspinde sa Game Five dahil sa flagrant 1 foul na itinaas mula sa naunang tawag na technical foul ng referee bunsod ng girian nila ni LeBron James sa huling bahagi ng Game Four.

Ilang volleyball stars pina-auction jersey; tulong sa player na may liver cancer

“I owe to my teammates to come back and give all that I have, all that I can do to better this situation,” sambit ni Green.

“I have strong belief that if I play Game Five, we win. But I didn’t because I put myself in a situation where I wasn’t able to play,” aniya.

Sa kanyang pagbabalik, inaasahan ang mas mainit na hidwaan kay Cavs superstar LeBron James. Ang four-time MVP ang itinuturong dahilan sa pagkakasuspinde ni Green dahil sa anila’y pambabastos nito nang hakbangan ang noo’y napahigang power forward.

Tangan ng Golden State ang 3-2 bentahe at tatangkain ng Warriors na makumpleto ang matikas na marka ngayong season sa pagsungkit sa ikalawang sunod na kampeonato sa pagpalo ng Game Six ngayong umaga (Huwebes sa Cleveland).

Balik sa bench si Green, subalit hindi makalalaro si 7-foot center Andrew Bogut bunsod ng pinsalang natamo sa kaliwang tuhod sa Game Five. Batay sa resulta ng MRI, kailangan niyang ipahinga ang tuhod ng anim hanggang walong linggo.

“Draymond is the spirit of what we do,” pagaamin ni back-to-back MVP Stephen Curry, nangako rin na gagawin ang lahat para mapataas ang kumpiyansa ng Warriors.

Nahila ng Cavaliers ang serye pabalik sa Cleveland nang magpiyesta ang opensa nina James at Kyrie Irving na kapwa umiskor ng tig-41 puntos.

“Everybody’s helped with Draymond being on the floor,” pahayag ni Warriors coach Steve Kerr.

“So that will be nice to have him back. We missed him the other night. We were disappointed in our performance without him. We thought we could still get it done, but we didn’t. So now it’s time to recharge the batteries and get ready.”

Nagpahayag naman ng kahandaan si James sa pagbabalik ni Green.

“My only job is to get this win, man,” sambit ni James.

Sakaling maipuwersa ng Cavs ang serye sa “sudden death”, lalapit sila sa kasaysayan na wala pang nakagagawa sa NBA – manalo ng kampeonato mula sa 1-3 pagkakadapa.

Kung mananaig naman ang determinasyon ng Warriors, ito ang ikalawang sunod na taon na magdiriwang sila bilang kampeon sa teritoryo ng Cavs sa Quicken Loan Arena.

“Nobody will remember this down the road if we get this done tomorrow night,” pahayag ni Curry. “So that’s really all we need to talk about.”