HINDI pa man tuluyang nakauupo sa puwesto si President-elect Rodrigo Duterte ay kaliwa’t kanang na ang mga napapatay na kriminal na umano’y lumaban sa mga awtoridad na humuhuli sa kanila. Bukod dito, marami ring malalamig na bangkay na natatagpuan sa mga ilang at madidilim na lugar, o kaya nama’y lumulutang sa mga ilog, estero, kabilang na rito ang makasaysayang Ilog Pasig.
Walang kaduda-dudang pasalubong ito sa pag-upo ni Duterte sa Hunyo 30 na ang naging pangunahing propaganda noong siya ay nangangampanya ay ang pangakong papatayin niyang lahat ang mga kriminal lalo na ang mga drug pusher.
Karamihan kasi sa mga nakaupong opisyal ng pamahalaang lokal, militar at lalo na ng Philippine National Police (PNP) ay nagpapapansin kay Duterte para ipakitang kaalyado sila ng bagong administrasyon sa paglaban sa kriminalidad.
Siyempre pa, kaakibat ito ng kanilang pagnanais na huwag maalis sa kasalukuyang puwesto at ‘yung iba naman’y mga nag-aambisyon na makasungkit ng bagong posisyon sa pamahalaan.
Sa mga itinumbang ito, gusto kong bigyang-pansin ang kay Raymundo Bacordo, alyas “Ryan”, ang chop-chop body na natagpuan sa ‘di kalayuan sa gusali ng Senado sa Pasay City noong Hunyo 8.
Nang pumutok kasi ang pangalan ni Ryan matapos kilalanin ng kanyang asawang si Helen ang putul-putol na bahagi ng katawan nito na nakasilid pa sa sako, umugong agad sa “intel-community” na si Ryan ay isa sa mga ALPHA (asset) na kinailangang patahimikin -- PROJECT TERMINATION -- dahil sa sobrang nalalaman nito.
Ang matindi, mula sa pagiging asset ni Ryan sa pagkolekta ng proteksiyon para sa 1602 (tawagan sa illegal gambling) ay napasama na rin ‘di umano ito sa pagkolekta ng galing naman sa mga drug lord. At dahil sobrang talamak ang droga ngayon, lahat umano ng ALPHA na ginamit sa mga operasyon sa droga ay isa-isa nang winawala, palatandaang ang PROJECT TERMINATION ay matahimik nang ipinatutupad ng ilang tiwaling opisyal ng militar at PNP.
Pero alam ba ninyo na kung ang mga bomba ng terorista ay may tinatawag na signature para malaman kung sino at aling grupo ang nagpasabog nito –ang pagsa-salvage ay may mga signature rin na makatutulong sa imbestigasyon para matunton ang grupong gumawa nito!
Para sa inyong mga sumbong, reklamo, report, balita, papuri o puna, mga kuhang video at litrato ng mga di-inaasahang mga pangyayari, i-text lamang ang mga ito sa: Globe 09369953459 / Smart: 09195586950 / Sun: 09330465012 o kaya’y mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)