Kulungan ang binagsakan ng isang taxi driver na umano’y tinangkang dukutin ang isang dalagitang estudyante habang siya ay lasing, sa Pasay City.

Kinilala ng Pasay City Police-Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD) ang suspek na si Romel Madenancil, 35, residente ng Casa de Monteverde, General Mariano Alvarez, Cavite.

Lumitaw sa imbestigasyon na bumibiyahe si Madenancil sa Kalayaan Village sa Barangay 201, Pasay City nang ihinto nito ang taxi upang umihi dakong 10:52 ng gabi nitong Lunes.

Dumaan ang 15-anyos na biktima, isang Grade 8 student, at bigla itong kinaladkad ng suspek sa kanyang taxi, ayon sa pulisya.

Eleksyon

VP Sara, nag-eendorso raw para sa impeachment trial—solons

Habang nagpupumiglas at nagsisisigaw ng tulong, rumesponde ang mga istambay sa lugar at kinuyog si Madenancil.

Nang arestuhin ng mga rumespondeng tauhan ng Police Station-10, namumula pa ang mga mata ni Madenancil na wala sa sarili at nangangamoy-alak pa.

Nakakulong ngayon sa Pasay City Police detention facility si Madenancil habang hinihintay itong isalang sa alcohol test ng awtoridad.

Bukod sa attempted abduction, nahaharap din ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law. (Martin A. Sadongdong)