AABOT sa 50 ang patay at marami ang nasugatan sa itinuturing na pinakamatinding pamamaril sa Estados Unidos kamakailan. Isang lalaki na armado ng mga baril ang pumasok sa isang nightclub sa Orlando, Florida at binistay ng bala ang mga nagdiriwang ng Pride Week.
Nakikiramay ako sa mga naiwang mahal sa buhay ng mga biktima at maging sa sambayanang Amerikano.
Sinasang-ayunan ko rin ang deklarasyon ni Pangulong Barack Obama na ang kabuktutang ito ay isang akto ng terorismo at poot. Bilang isang bansang Kristiyano, magkaisa tayo na kondenahin ang pangyayaring ito.
Walang relihiyon, pulitika, ideolohiya o iba pang paniniwala na makapagbibigay ng katwiran sa pagpatay sa mga inosente. Ang aktong ito ng terorismo ay hindi makapagsusulong ng anumang paninindigan, bagkus ay magbubunga ng pagkakaisa ng mga Amerikano at ng buong daigdig laban sa terorismo, gaya ng ibinunga ng mga nakaraang pag-atake.
Nananawagan ako sa sambayanang Pilipino na samahan ako at ang aking pamilya sa pananalangin para sa mga biktima.
Hinihikayat ko rin ang ating mga puwersa ng seguridad—ang militar at ang pulisya—na repasuhin ang mga nakalatag na sistema ng seguridad upang mapigilan ang ganitong pag-atake sa ating bansa.
Tiyakin natin ang kaligtasan ng ating mamamayan.
May mga ulat na nakapasok na sa katimugang bahagi ng Pilipinas ang Islamic State. Kung ito’y totoo, dapat tiyakin ng pamahalaan, sa pakikipagtulungan ng mga lokal na komunidad, na gumawa ng mga hakbangin upang mapigilan ang terorismo.
Inaasahan ko na tututukan din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bantang ito sa ating bansa. Ang kanyang pangako noong panahon ng kampanya na patitibayin ang kapayapaan ay dapat magkaroon ng malawak na plano upang labanan ang terorismo.
***
Panahon ngayon ng mga pagbabago.
Inihahanda na ng mga kampo ng papaalis na Pangulong Benigno Aquino III at bagong Pangulong Rodrigo Duterte ang pagluluklok sa ika-16 na pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Ayon sa mga ulat, nakipagpulong na si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Sonny Coloma kay Martin Andanar, na itinalaga ni Duterte sa kaparehong posisyon, upang matiyak ang maayos na transisyon sa Hunyo 30.
Ito rin ang layunin ng pagpupulong ng mga grupo ni Bise Presidente Jejomar Binay at ng bagong halal na Bise Presidente Leni Robredo.
Bukod sa paggamit sa karapatan ng mamamayan na bumoto, ang mapayapang transisyon ay isa ring tatak ng halalan sa isang demokrasya. Bilang isang bansang demokrasya, pinapalitan natin ang mga namumuno sa bansa hindi sa pamamagitan ng karahasan kundi sa pagsunod sa kagustuhan ng mga mamamayan.
Marapat lamang na batiin natin ang ating mga sarili dahil sa tagumpay ng demokrasya. Madalas nating pinahihirapan ang ating sarili dahil sa mga problema. Sa pagkakataong ito, purihin naman natin ang ating mga sarili dahil sa mapayapang transisyon sa ilalim ng demokrasya, na hindi nagagawa ng ilang bansa.
Ang transisyon ay hindi lang para sa pamahalaan kundi para sa mamamayan. Mula sa isang botante o kapanalig ng mga kandidato, dapat tayong maging aktibong mamamayan.
Maging ang mga hindi bumoto sa nagwagi ay dapat sumuporta sa pamahalaan dahil responsibilidad nating lahat na tiyakin ang pagtatagumpay ng pamahalaan na itatag ang progresibong kinabukasan para sa lahat ng Pilipino.
(Manny Villar)