MAY mga gustong manligaw kay Sunshine Cruz at isa na sa kanila ang isang non-showbiz guy na mukhang artistahin at ang isa naman ay may may sinasabing negosyante. Pero ayon kay Sunshine, hindi pa napapanahon na magkaroon siya ng bagong karelasyon.

Gusto muna niyang matapos ang lahat ng problema nila ng dating asawang si Cesar Montano. Kapag naaprubahan na raw ang annulment case nila, saka lang niya iisipin ang bagay na ‘yun.

Walang problema ang aktres sa mga anak niya. Katunayan, sabi ng aktres, hindi siya pinipigilan ng mga ito na magkaroon ng ibang taong makapagpapasaya sa kanya.

“Sa totoo lang, sila pa nga ang nagsasabi sa akin na okey lang daw na magkaroon ako ng boyfriend. Gusto nilang maging masaya naman daw ang lovelife ko. Sa totoo lang, 38 years na ako at gusto ko nga na bago man lang ako dumating sa 40, eh, meron na akong true love,” napatawang banggit ng aktres.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Umamin si Sunshine na may ilan nang nanligaw sa kanya na binasted niya agad. Katwiran niya, basta wala siyang nakikitang dahilan na maging sila ay hindi na niya pinagtatagal ang panliligaw sa kanya. Ayaw na raw niyang pahirapan pa ang manliligaw.

“Kung wala akong nakikitang spark, eh, ano pa ang dahilan at patatagalin ko pa ang panliligaw niya sa akin? Ayoko namang ako pa ang sisihin at paasa pa sa kanila. Tama na ‘yung pagkasabi nila na gusto nila ako pero wala naman akong nakikitang spark, eh, basted na agad,” kuwento ng mabait at magaling na aktres.

Naniniwala si Sunshine na may darating pa rin na para sa kanya. Alam niyang ibibigay sa kanya ‘yun ng Diyos.

“I know God is preparing someone for me, ‘yung the best pini-prepare Niya,” sey pa rin niya.

Higit sa anupaman, ang tatlong anak niya ang top priority ni Sunshine Cruz. Kaya ipinagdarasal niya lagi sa Diyos na sana ay magpatuloy ang magandang takbo ng career niya.