Patay ang isang 10-anyos na lalaki makaraang malunod matapos tangayin ng malakas na agos sa isang ilog sa Imus, Cavite, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Supt. Redrigo Atienza Maranan, hepe ng Imus Police, ang biktimang si Holyver Wayne Jule, grade school student, at residente ng Phase B-Lagian I, Barangay Carsadang Bago, Imus.

Nakuha ng mga istambay ang nagpalutang-lutang na bangkay ni Jule sa ilog.

Lumitaw sa imbestigasyon na sabay-sabay na tumalon si Jule at ang kanyang mga kaibigan sa malalim na bahagi ng ilog, dakong 2:30 ng hapon nitong Huwebes.

‘Bakuna Eskwela’ program ng DOH, DepEd, aarangkada

Makalipas ang ilang minuto, hindi na nakita ng mga kabarkada ni Jule ang biktima kaya humingi sila ng tulong sa mga opisyal ng barangay at pulisya sa lugar.

Natagpuan na lamang ang bangkay ni Jule ilang metro mula sa lugar na pinaglanguyan ng kanyang grupo, ayon sa pulisya.

Kilala si Jule sa kanilang lugar na mahusay lumangoy kaya posibleng dahilan ng kanyang pagkalunod ay ang malakas na kuryente sa ilog.

Ayon sa ulat, ito na ang ikalimang insidente ng pagkalunod sa Cavite ngayong taon. (Anthony Giron)