Tinangay ng isang pinaghihinalaang miyembro ng “Basag Kotse Gang” ang cash at electronic gadget sa loob ng sasakyan ng isang staff ni Senator Francis "Chiz" Escudero na ipinarada nito sa isang lugar sa Pasay City, nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Jahann Kjeld Santillan, 33, staff ni Escudero at residente ng Barangay Malamig, Mandaluyong City.

Ayon kay SPO1 Dennis Desalisa, ng Pasay City Police, dakong 8:30 ng gabi nang nadiskubre ni Santillan na basag ang salamin ng bintana sa likurang bahagi ng kanyang Toyota Fortuner (PQN-216) habang nakaparada sa Macapagal Avenue.

Ipinarada ng biktima ang kanyang Fortuner sa lugar upang kumain ng hapunan sa isang restaurant subalit nang balikan niya ang sasakyan ay basag na ang salamin nito at nawawala ang kanyang laptop na nagkakahalaga ng P25,000, ang kanyang P14,000 cash, iPad Mini na nagkakalahaga ng P30,000, calculator na may halagang P500, at mahahalagang dokumento.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Agad ipinaalam ng biktima ang insidente sa awtoridad, at may nakitang mga finger print sa naturang sasakyan na isinumite na sa Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Bella Gamotea)