SIGURADONG si Sen. Koko Pimentel na ang magiging Senate President sa pag-upo ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa papalitan niyang si Sen. Franklin Drilon. Bakit nga ba hindi, eh, nagkaroon na raw ng “super majority” sa senado sanhi ng pagsanib ng Liberal Party (LP) at Nationalist People’s Coalition (NPC) sa Partido Demokratiko Pilipino - Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Ang LP na majority party dahil sa dami ng mga kasapi bago maghalalan ay parang lobong nawalan ng hangin. Ang PDP-Laban naman na minority party ang lubusang lumobo pagkatapos ng halalan sa pagkapanalo ng kandidato sa panguluhan na si Pangulong Digong. Kaya kontrolado na ng Pangulo ang buong Kongreso dahil ganito rin ang nangyari sa mababang kapulungan nito. Ang magiging Speaker of the House na papalit kay LP Sonny Belmonte ay si PDP-Laban Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez. Nakatitiyak na raw ng suporta ang Pangulo sa kanyang legislative agenda at una na nga rito ang federalism at pagbabalik ng parusang kamatayan.
Ang partido-pulitikal ay behikulo sa pag-unlad ng bansa. May sarili itong simulain, paninindigan at programa na nakahulma sa interes ng mamamayan at bansa. Kaya, nabubuhay ito dahil sa pangangailangan at ikabubuti ng bayan, may halalan man o wala. Ang problema sa pulitika natin ay ang mga partido ay panghalalan lamang. Parang kabuteng magsusulputan ang mga partido tuwing sasapit ang halalan. May mga programang ilalatag ang mga ito sa pamamagitan ng kani-kanilang kandidato sa hangarin nilang makuha ang suporta ng taumbayan.
Pero, pagkatapos ng halalan, bagamat mayroon pa ngang matatawag na partido, ito ay ampaw na. Iniwan na siya ng kanyang mga kasapi at umanib na sa partidong nagwagi ang mga kandidato sa halalan. O kaya, para mabango naman ang pagtraydor nila sa kanilang partido, isasama nila ito sa paglipat sa ibang partido at tatawagin nila itong koalisyon? Pero, sa koalisyong ito, sino ang masusunod? Ano na ang nangyari sa iniharap nila sa taumbayan na programa ng kanilang partido na ngayon ay inabandona nila? Hindi komo natalo ang kandidato ng iyong partido ay nawalan na ng bisa ang programa at prinsipyo nito. Dapat nananatili ka sa iyong partido, anuman ang kinahitnan ng iyong kandidato. Napakaluwag ng espasyo ng demokrasya upang itaguyod at ilaban ang kanyang programa at simulain para magabayan ang taumbayan. Kaya nga lang, mababaw ang paniniwala ng mga pulitiko sa kanilang paninindigan. Ang kanilang pulitika ay pulitika ng sikmura. (Ric Valmonte)