HALOS sigurado na ang pagpapalit sa federalism ng ating gobyerno sa ilalim ng nakaambang adiministrasyon.

Ang pagpapalit mula sa presidential patungong federalism ay kinakailangan ng isang maingat na proseso kung saan, kapag ito ay naantala, maaari itong maging magastos. Ito ang naging paalala ni outgoing Albay Gov. Joey Salceda na magbabalik sa Kongreso bilang representante ng Capital District ng kanyang probinsiya.

Hinihikayat niya ang susunod na administrasyon na simulan kaagad ang charter change process at pabilisin ang pagpapalit na kinakailangan umanong madaliin upang hindi umatras ang mga investor na labis na makaaapekto sa ekonomiya n gating bansa.

Sinabi pa ng ekonomista at dating economic adviser ng dalawang dating pangulo na maaaring ipaantala ng mga investor ang kanilang mga ipupuhunan dahil sa ilang bagay na hindi pa tuluyang nalilinaw sa sistema ng ating gobyerno. Mas magiging mabigat ang problema dahil “our economic growth is driven by investments,” paliwanag ni Salceda.

Isa sa mga paraan upang mapabilis ang pagpapalit at maiwasan ang pagkakaantala ay ang pagpapaliban sa Barangay election na nakatakdang idaos sa Oktubre sa susunod na taon na makatutulong din upang makatipid ang gobyerno sa kung anumang charter change ay ang mapagdesisyunan.

Ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ni President-elect Duterte at ng media ay hindi kasiya-siya. Kinakailangan ni Duterte ng maraming information support upang makatulong sa pagpapaintindi sa mga tao.

Sa gitna ng mga debate sa iba’t ibang isyu kaugnay sa mga pasaring ni Duterte, na hindi nauunawaan ng karamihan, labis ang pangangailangan ng suporta ng gobyerno mula sa media, partikular na ang provincial press.

Inaasahang mapagkakasundo nina Presidential Spokesman Sal Penelo at Press Secretary Martin Andanar ang Malacañang at ang private media. (Johnny Dayang)