bayani-agbayani

ILANG buwan na ang nakakalipas since ma-stroke at ma-comatose ang comedienne turned talent coordinator/manager na si Cornelia Lee a.k.a. Tita Angge. Ilan sa mga alaga ni Tita A sina Bayani Agbayni, Smokey Manoloto, Sylvia Sanchez, at iba pa.

Kaya nang humarap sa entertainment press si Bayani, ang kalagayan ng manager ang agad na naitanong sa kanya. Ani Bayani, nasa bedside siya ni Tita Angge noong nasa St. Lukes pa ito hanggang sa mailipat na sa bahay. Pamilya na rin ang turing niya sa manager kaya hindi niya nakakaligtaang dumalaw-dalaw kahit saglit lang.

‘Yun nga lang, hanggang ngayon ay wala siyang nakikitang pagbabago sa kalagayan nito.

Human-Interest

LABUBudol? Mga artistang nahumaling sa 'Labubu craze!'

“Tulog pa rin siya... tulog pa rin, eh,” aniya nang kamustahin ang kalagayan ni Tita Angge. “Machine na lang talaga ‘yung sumusuporta sa kanya. Awa nga ng Diyos, si Richard Pinlac (reporter/radio anchor) nakadilat na. Si Tita A, halos two months nang tulog.”

Habang hinihintay maka-recover si Tita A, kay Noel Ferrer muna siya nagpapatulong para sa kanyang showbiz career.

Nabanggit din ni Bayani sa naturang panayam na marami ang kumukumbinsi sa kanya para tumakbo nitong nakaraang eleksiyon.

“Ayoko talagang tumakbo. Ayaw din ng asawa ko. Ang katwiran niya, baka kainin daw ako ng sistema, eh. Sabi ko, kung matatag naman ang puso mo at para sa bansa ba’t naman kakainin ka. Pero kung mababago talaga ang sistema, kung magiging federalism na tayo, baka sakaling tatakbo ako.

“Kasi ngayon, ultimong mga department secretaries ayaw umupo dahil wala daw silang magiging pera, eh. Ayaw nila, tinatanggihan nila. Dati pinag-aagawan ‘yan, ‘yung maging gabinete ka. Ngayon ayaw nila, kasi daw walang suweldo.”

Bida si Bayani sa Funny Ka, Pare Ko na napapanood sa CineMo channel. May binubuo ring sitcom ang ABS-CBN na sasalihan niya. Ayaw muna niyang magdagdag ng detalye tungkol sa nasabing project at baka raw maudlot pa.

Nagkakapagtaka lang kung bakit hanggang ngayon ay wala pa pala siyang pinipirmahang kontrata sa Dos, although madalas niyang sabihin na wala na siyang sabit o anumang kontrata sa alinmang network.

“Eh, wala namang nagpapapirma sa akin, eh. Gusto ko nga sana, kung meron ba, eh, ha-ha-ha! Gusto ko ngang sulatan ‘yung wall kaya lang baka vandalism. Kahit pirma ko lang do’n, eh, kahit sa may gate,” pabiro ngunit makahulugan niyang sabi. (Ador Saluta)