Nakatakdang pangalanan ni national coach Tab Baldwin ang final 14 player na pagkukunan ng 12-man Gilas Pilipinas team bago umalis ang koponan sa Biyernes para sa kanilang pagsasanay sa Europe.

Sasabak ang Gilas sa Manila Olympic Qualifying sa Hulyo 5-10, sa MOA Arena.

Mula sa 24 na pangalan na kanilang isinumite sa FIBA noong isang buwan, 10 ang mababawas para sa huling bahagi ng paghahanda ng Gilas.

Dahil sa pag-atras bunsod ng injury nina Paul Lee, Greg Slaughter at Matt Rosser, pitong player na lamang ang kailangang alisin ni Baldwin, kabilang ang naturalized player na si Moala Tautuaa.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Inaasahang pipili si Baldwin matapos ang closed- door tune-up game nila ng Iran kahapon, at ipipresinta ang mapipiling 14 sa idaraos na send-off at press conference ngayong hapon.

Kabilang sa mga pagpipilian sina Marc Pingris, Ranidel de Ocampo, Gabe Norwood, Jeff Chan, Jason Castro, Calvin Abueva, Terrence Romeo, Ryan Reyes, Junermar Fajardo, Marcio Lassiter, Japeth Aguilar, at Troy Rosario.

Kabilang din sa pool ang NBA D League veteran na si Ray Parks at cadets na sina Kiefer Ravena, Kevin Ferrer, Roger Pogoy, Russel Escoto, at Mac Belo. (Marivic Awitan)