SA kabila ng pagsusumikap ng ilang Kongresista, hindi nabaligtad, o sadyang hindi binaligtad, ng higit na nakararaming mambabatas ang veto power ni Presidente Aquino sa batas na nagdadagdag ng P2,000 sa pensiyon ng mga retiradong miyembro ng Social Security System (SSS). Sa pagtatapos ng sesyon ng Kongreso kahapon, mistulang ibinasura ng mga mambabatas ang pag-override sa pag-veto ng Pangulo sa kakarampot na biyaya na dapat sanang tanggapin ng mga nakatatandang mamamayan.
Maliban na lamang kung may mga legal impediment na dapat isaalang-alang ang mga mambabatas, ang hindi nila pag-aksiyon ay lalong naglantad sa kawalan nila ng habag at malasakit sa SSS pensioners. Kadamay na rito ang mismong administrasyon na laging ipinangangalandakan ang pagmamalasakitan nito sa kanyang mga “boss”.
Magugunita na ang naturang panukalang-batas ay buong pagkakaisang pinagtibay ng Kamara at ng Senado. Sa kasamaang-palad, naibasura ito dahil sa veto power ng Presidente. Hindi ba ito patunay ng sukdulan ng pagwawalang-bahala sa mga senior citizen na ang karamihan ay nasa dapit-hapon na ng kanilang buhay?
Ang nabanggit na dagdag sa SSS pension ay hindi naman nangangahulugan ng mistulang pamamalimos ng mga nakatatandang mamamayan. Ito ay bahagi rin naman ng kanilang mga naunang naiambag sa kaban ng gobyerno – at ng SSS – bunga ng kanilang mahabang taon ng matapat at puspusang paglilingkod sa mga pribadong kumpanya. Isa pa, karamihan naman sa kanila ay naging bahagi rin ng tagumpay ng mga programang pangkaunlaran na pinakikinabangan ng sambayanan.
Totoo na maliit lamang ang naturang dagdag sa SSS pension. Subalit malaking tulong na ito upang maitawid ang mga pangunahin naming pangangailangan. Masyado namang kahabag-habag kung kami ay lagi na lang umaasa sa ayuda ng aming mga mahal sa buhay na dahil sa kahirapan ay nakalugmok din sa mabibigat na problemang pangkabuhayan. Hindi limos kundi makatarungang pagsaklolo ang aming inaasam.
Sa takbo ng mga pangyayari, milagro na lamang marahil kung kami ay may maaasahan pa sa kasalukuyang administrasyon.
Samantala, hihintayin na lamang namin ang susunod na pangasiwaan upang tamasahin ang mga pamana o legacy na ipinagkait ng mga papalitang opisyal ng gobyerno. (Celo Lagmay)