Dennis at Jennylyn copy

ITINANGGI ni Dennis Trillo ang lumabas na tsismis sa social media na hiwalay na naman daw sila ni Jennylyn Mercado, nang bisitahin namin ang taping nila ni Heart Evangelista ng Juan Happy Love Story (JHLS) na idinidirek ni LA Madredejos. 

Eh, kumusta naman sila ni Jennylyn?

“Masaya kami, nagtataka nga ako kung saan na naman nanggaling ang balitang ‘yon,” sagot ni Dennis. “Iyon ang hirap sa social media, maraming misinterpretations.”

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Nagsimula raw iyon nang mag-post ang isang fan na nagbura sila ni Jen ng pictures nila sa kanilang Instagram account ‘tapos may pinost pa si Jen na short message.

“Hindi naman kami mahilig mag-post sa IG namin, paminsan-minsan lang. At hindi rin ako mahilig magbura ng pictures kung meron man. Hindi ako iyong kapag nakipag-break sa girlfriend, buburahin na mga pictures, hanggang ngayon meron pa rin ako ng mga pictures dati.”

Nangangahulugan daw iyon na away-bati na naman sila ni Jen.

“Hindi naman, ano ba naman ang alam nila sa totoong nangyayari? Puro mga imahinasyon lang nila ang sinasabi nila. 

Kaya nga mas gusto naming pribado na lang ang tungkol sa relasyon namin.”

Madalas ngang kapag libre, out-of-town or out-of-the country sila. Sa Maldives sila huling pumunta at wala pang nakatakdang sunod na pupuntahan dahil sa trabaho.

“Sa ngayon, wala muna dahil dito sa JHLS na ini-enjoy namin ni Heart ang mga eksena namin dahil naiiba. Ang gaang dalhin, ‘di tulad noong drama, mabigat sa dibdib. Minsan meron kaming isang drama scene, after that puro tawanan na sa eksena. Nagpapasalamat kami sa mga manonood na nagsasabing bago sila matulog, ang pinapanood nila ang aming sexy-naughty series. Pampa-good vibes daw.”

May camero role din kasi si Dennis sa Camp Sawi ng Viva Films, ka-partner ni Bela Padilla at may isa pa siyang movie na ginagawa, ang Bakit Lahat ng Pogi May Boyfriend? nila ni Anne Curtis, kasama si Paolo Ballesteros at ididirek ni Jun Lana.

Natanong din si Dennis tungkol sa hindi pa pagpirma ni Jennylyn ng renewal contract sa GMA Network. Okey lang ba sa kanya kung lilipat si Jen o sa GMA pa rin?

“Siguro si Jen na lang ang tanungin ninyo. Siyempre kung ako, mas gusto ko na magkasama kami sa GMA. Nasa kanya iyon kung ano ang desisyon niya.”

Natawa si Dennis nang tanungin tungkol sa intriga na nalampasan na raw ni Nadine Lustre si Jennylyn sa pagiging sexiest Pinay.

“No big deal naman iyon kay Jen, naging sexiest Pinay na siya last year,” sabi ng aktor. (NORA CALDERON)