Isang senatorial candidate at walong party-list group pa lang ang nakapagsusumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenses (SOCEs) dalawang araw bago ang deadline ng Commission on Elections (Comelec) dito ngayong Miyerkules.

Nilinaw naman ni Atty. Mazna Luchavez-Vergara, ng Comelec-Campaign Finance Office, na lahat ng kandidato, nanalo man o natalo sa eleksiyon, ay kailangang magsumite ng SOCE dahil hindi na magbibigay ng extension ang poll body sa deadline para rito.

Kailangan rin aniyang isumite ang hard at soft copy ng SOCE sa Comelec dahil ang pagkabigong maisumite ang alinman sa dalawa ay magiging sanhi upang ma-invalidate ito.

Ikokonsidera rin ng Comelec na hindi naisumite ang incomplete o hindi kumpletong SOCE ng kandidato.

Eleksyon

'Hindi ako nag-iisa sa laban' Abalos, hanga kay Pacquiao

Ayon sa Comelec, ang pagkabigong magsumite ng expense report ay may katapat na parusang multa at diskuwalipikasyon sa pagtakbo sa public office.

Hindi rin papayagang makaupo sa puwesto ang mga nanalong kandidato na hindi nakapaghain ng SOCE, at aalisin naman sa puwesto ang nanalo pero napatunayang lumabis ang gastos noong kampanya. (Mary Ann Santiago)