Simula sa Hunyo 20 ay maaari nang magbayad sa pinakamalapit na payment center ang mga motoristang matitiketan sa paglabag sa batas-trapiko.
Kinuha ng Metropolitan Development Authority Manila (MMDA) ang serbisyo ng Bayad Center at SM Bills Payment bilang karagdagang payment center para mas maging kumbinyente ang pagbabayad ng mga lumabag sa mga batas-trapiko sa Metro Manila.
Nilagdaan kahapon ni MMDA Chairman Emerson Carlos ang memorandum of agreement (MOA) kina Dennis Yaw, ng SM Bills Payment; at Manuel Tuazon, presidente at CEO ng Bayad Centers, upang mas mapadali ang pagbabayad ng mga lumabag sa trapiko, nagkalat, nag-jaywalking, at maging sa mga no contact apprehension violation, sa mga payment center at sa mga payment kiosk sa SM mall.
Ito, ayon kay Carlos, ay upang matiyak na mababayaran ng mga motorista ang multa kahit weekends o kapag sarado ang bangkong accredited ng ahensiya, ang Metrobank, at ang MMDA redemption and payment center sa Makati City.
“We are making available all the facilities near them (violators) to settle the fines immediately and avoid being on the alarm list of government agencies when they are applying for a clearance or renewing their vehicle registration,” sabi ni Carlos.
Kapag hindi nabayaran ang multa, hindi mare-renew ng motorista ang kanyang driver’s license o rehistro sa Land Transportation Office (LTO). (Anna Liza Villas-Alavaren)