Nais ng Commission on Elections (Comelec) na matapos na ngayong linggo ang verification procedure sa random manual audit (RMA) kaugnay ng eleksiyon nitong Mayo 9.

Ayon kay Comelec Commissioner Luie Guia, sa ngayon ay pinapabilis na nila ang proseso at ginagawa na lamang ang verification procedure sa mismong mga lugar ng clustered precinct na kasama sa RMA.

Mayo 30 nang nagpalabas ng initial findings ang Comelec batay sa isinagawang verification procedure sa 353 clustered precinct at natukoy na 99.74 na porsiyento ang accuracy rate ng mga vote counting machine (VCM) na ginamit sa botohan.

Ipinaliwanag ni Guia na ang halos .25% variance ay dahil sa hindi tamang shading sa mga balota.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Kabuuang 715 clustered precinct ang kasama sa RMA at katuwang ng Comelec sa pagsasagawa nito ang accredited citizen’s arm ng komisyon na National Movement for Free Elections (NAMFREL), at ang Philippine Statistics Authority.

Layunin ng RMA na maberipika ang accuracy rate ng mga VCM upang maiwasan ang duda na nagkaroon ng dayaan sa idinaos na halalan. - Mary Ann Santiago