Ipupursige ni Iloilo City Rep. Jerry Treñas ang panukalang magkakaloob ng dagdag na benepisyo sa mga person with disabilities (PWD) o may kapansanan sa 17th Congress.
Ayon sa kanya, muli niyang ihahain sa susunod na Kongreso, sa Hulyo, ang panukalang magbibigay-ginhawa sa mga may kapansanan at aamyenda sa Republic Act 7277 (Magna Carta for Disabled Persons), na sinusugan ng RA 9442.
Naghain na si Treñas ng House Bill 6470 kamakailan pero ito ay ini-refer lang sa Committee on Social Services.
Batay sa panukala, bibigyan ng monthly stipend na P500 ang bawat may kapansanan sa bansa, upang mailaan sa pagkain at gamot.
Sinabi niya na sa Magna Carta for Disabled Persons, idinedeklara na polisiya ng gobyerno na masiguro ang rehabilitasyon, self-development, at self-reliance ng mga taong may kapansanan upang magkaroon sila ng makahulugan at produktibong buhay sa lipunan.
“According to the latest figures from the Philippine Statistics Authority, approximately 1.57 percent of our population has reported disabilities. More than one and a half million of our citizens are PWDs,” ani Treñas. - Bert de Guzman