Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagdakip sa apat na katao na nagpanggap na mga miyembro ng transition team ni President-elect Rodrigo Duterte at nakakolekta ng P1 milyon sa isang bangko para umano sa thanksgiving party ni Duterte sa Davao City nitong Sabado.

Sinabi ng NBI-Anti-Graft Division (AGD) na naghain na ito ng kasong estafa laban kay Jerico Sauco at sa tatlo nitong kasamahan na sina Reinyl Funa, Aubrey Pineda, at Paul Gulinao, pawang taga-Valenzuela City, nitong Huwebes matapos madakip sa entrapment operation nitong Miyerkules ng umaga sa San Pedro, Laguna.

Naaktuhan ng mga tauhan ng NBI ang grupo ni Sauco habang nagwi-withdraw ng P300,000 mula sa bank account ni Sauco sa sangay ng EastWest Bank sa lugar.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list

Ayon sa NBI, isang lalaki na nagpakilala bilang si Peter Laviña, ang tagapagsalita ni Duterte noong nangangampanya at miyembro ng transition team, ang tumawag sa BPI main office sa Quezon City at nangolekta ng donasyon na nagkakahalaga ng P1 milyon.

Dagdag pa ng NBI, ang nasabing halaga ay gagamitin sa dalawang event sa Davao City, ang Senior Citizens’ Day sa Hunyo 8 at sa “DU31” thanksgiving party nitong Sabado ng gabi.

Ayon sa imbestigasyon, nai-withdraw na ng mga suspek ang P700,000 sa P1-milyon donasyon nitong Mayo 31 mula sa kaparehong bangko sa San Pedro.

Sinabi ng NBI na inamin ni Sauco at ng grupo nito na hindi nila personal na kilala at wala silang kinalaman kina Duterte o Laviña, at hindi rin sila bahagi ng transition team ng President-elect. Napaulat na sinabi ni Sauco sa NBI na hiniling sa kanyang i-withdraw ang nasabing halaga ng waste management company na inaaplayan niya.