June 01, 2026

Home BALITA National

Usec. Claire sa pagsuko ni Sen. Jinggoy: 'Maganda... 'di tulad kay Sen. Bato!'

Usec. Claire sa pagsuko ni Sen. Jinggoy: 'Maganda... 'di tulad kay Sen. Bato!'
Photo courtesy: RTVM, MB, File Photo

Nagkomento si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro sa naging boluntaryong pagsuko ni Sen. Jinggoy Estrada sa mga awtoridad nitong Lunes, Hunyo 1, 2026. 

Pagkatapos ito ng naging kusang pagsuko ni Estrada sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos ang kaniyang naging press conference sa Senado nitong Lunes. 

Diin ni Estrada, makailang beses umano siyang inalok na lumipat sa Senate minority bloc upang tuluyang maabswelto siya sa plunder case na isinampa sa kaniya ng Office of the Ombudsman.

KAUGNAY NA BALITA: ‘I stand my ground!’ Sen. Jinggoy, niligawan daw ng minority bloc kapalit ng pag-abswelto sa kaso

Sa naging pahayag naman ni Castro sa panayam sa kaniya ng mga media nito ring Lunes, sinabi niyang maganda ang naging kusang pagsuko ni Estrada dahil hindi na raw pinahirapan ng huli ang mga awtoridad.

National

Majority bloc, no show: Sigaw ni Sen. Zubiri, 'We're just waiting, we're ready to work!'

“Maganda ang ginawa ni Sen. Jinggoy na siya ay boluntaryong sumuko,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Hindi na niya pinahirapan ang mga law enforcers.” 

Ani Castro, hindi raw ito kagaya ng sitwasyon na kasalukuyan pang kinakaharap ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa dahil nagtatago pa rin ang huli sa pagtugis at nakaambang pagsisilbi ng mga awtoridad ng inisyung warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa naturang senador. 

“Hindi tulad ng nangyayari ngayon kay Sen. Bato. ‘Yan po dapat na ginagawa ng isang taong alam niya po na may valid warrant of arrest,” pagtatapos niya. 

Matatandaang nagbaba ang Sandiganbayan nito ring Lunes ang ikalawang warrant of arrest laban kay Estrada kaugnay sa non-bailable case niya sa kinakasangkutang maanomalyang flood control projects. 

Noong Biyernes, Mayo 29, naghain ng ₱90,000 piyansa si Estrada para sa graft na isinampa rin sa kaniya ng Ombudsman. Kasunod nito, muli siyang naglabas ng pahayag at nanindigang walang mga tayan ang lahat ng inaakusa laban sa kaniya.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Jinggoy, umaasa sa patas na trato at due process, dahil sa ikatlong plunder case!