KUNG ang katwiran o paniniwala ni President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) ay lehitimong target ng pagpatay ang ‘di umano’y mga corrupt o bayarang journalist, kung ganoon, higit na lehitimong target ng asasinasyon ang mga corrupt gov’t official na sumasamantala sa pera ng bayan o nagpapasasa sa bilyun-bilyong pisong Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP).

Bilang isang lawyer at dating prosecutor, dapat niyang tandaan na ang isang tao ay may karapatan sa batas hanggang hindi napatutunayang nagkasala. Mapanganib ang pahayag niyang ang bayarang reporter o mamamahayag ay puwedeng patayin dahil nagpapagamit o nagpapabayad. Para bang hinihikayat niyang paslangin ang isang umano’y corrupt na journalist gayong hindi pa naman napatutunayan na bayaran nga ito ng isang pulitiko o negosyante.

Alam naman ni RRD o ng sino mang pulitiko, heneral o indibiduwal na may remedyo sa umano’y kawalang-hiyaan ng isang mamamahayag na bumabatikos sa kanila. Una, maghabla siya ng libelo laban sa tiwaling journalist o kaya’y magreklamo sa kanyang editor o pamunuan ng media outfit na kanyang pinaglilingkuran. Kung tunay at matapat sa adbokasiya ang pamunuan at mga opisyal ng media companies (broadcast o print), tiyak iimbestigahan ang isinusumbong na journalist at tiyak ding sisibakin siya kapag napatunayang may sala.

Sa presscon sa Davao City, nanatiling matigas ang ulo ni President Rody. Ayaw niyang humingi ng paumanhin o apology sa pagsasabing ang mga corrupt na journalist ay nararapat lang na patayin, kasabay ang hamon sa mga TV, radio at print reporters na i-expose nila ang “hypocrisy” sa kanilang mga hanay.”Don’t fuck with me. You know, guys, you think too much of yourself. You want to have your cake and eat too.” Handa raw niyang isumite ang listahan ng mga journalist na nagsisilbing mga “mouthpiece” ng mga pulitiko at tumanggap ng suhol at pabor. Hindi rin siya humingi ng paumanhin sa kanyang pagsipol (wolf whistle) kay GMA-7 reporter Mariz Umali nang magtanong ito sa kanya. Mismong sa Davao City ay may ordinansa na bawal ang gayong pagsipol, catcall at iba pa. Siyempre, galit si Raffy Tima, ginoo ni Mariz na isang anchorman-reporter ng Channel 7.

May tatlong uri umano ng journalist sa bansa. Ang una ay iyong mga crusader, tunay o bonafide journalist na tapat sa larangan ng pamamahayag. Hindi sila tumatanggap ng kapalit sa kanilang iniuulat, ibinubunyag nila ang katiwalian at kabulukan sa gobyerno, negosyo, kumpanya at mga tiwaling tao. Ang pangalawa ay iyong mga “mouthpiece” o tagapagsalita ng mga pulitiko, vested interests, o negosyo na kanilang pinagtatrabahuhan (halimbawa, media outfits, TV, radio at print). Ang pangatlo ay iyong tinawag niyang “low-life journalists”, mga bayaran, nanghihingi, nagde-demand o ang tinatawag sa broadcast media na ACDC (Attack-Collect-DEFEND-COLLECT).

Sa analysis ng mga political observer, parang biglang “lumaki ang ulo” (swell-headed) ni Mayor Digong dahil sa tinamong landslide victory noong nakaraang eleksiyon. Buo ang paniniwala niyang okey lang ang kanyang pagmumura, pambabae, pagpatay dahil ibinoto pa rin siya ng mga tao. Dapat niyang tandaan na ibinoto siya at nakuha ang simpatiya at paghanga ng taumbayan dahil sa pangako niyang sa loob ng 3-6 na buwan, pupuksain niya ang illegal drugs na ugat ng karamihan sa mga krimen sa bansa.