ANG pag-amin ng tatlong whistleblower na sangkot sila sa pagbabago ng resulta ng botohan sa probinsiya ng Quezon ay hindi makaaapekto sa resulta ng pambansang halalan—ang proklamasyon kina President-elect Rodrigo Duterte, Vice President-elect Leni Robredo, at sa 12 nahalal na senador, sa pangunguna ni Senator Franklin Drilon.

Inihayag ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, vice chairman ng National Board of Canvassers (NBOC), na nakita niya ang mga dokumentong iprinisinta ng tatlo upang suportahan ang kanilang alegasyon ng pandaraya, at malinaw na hindi sapat ang nasabing akusasyon upang ipatigil ang proklamasyon nitong Lunes.

Sinabi ng tatlo—isang supervisor at dalawang encoder—sa ilang senador na inutusan sila ng isang mataas na opisyal ng gobyerno upang dagdagan ang mga boto para sa mga kandidato ng Liberal Party, partikular para kina Mar Roxas, Robredo, at Drilon. Ang pagdadagdag ng boto, anila, ay ginawa sa mga card na may mga boto sa lokal na antas na ipinadala sa Smartmatic, bago idiniretso sa Transparency Server ng Comelec. Ang bilang na ito ng Transparency Server ang quick count na inilabas ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRC) sa mga mamamahayag.

Matatandaang ang quick count ang kaparehong sistema na pinakialaman ng isang tauhan ng Smartmatic upang iwasto ang baybay ng pangalan ng dalawang kandidato. Ang opisyal na bilang na ipinadala sa Kongreso, na nagsisilbing National Board of Canvassers, ay malinaw na hindi naapektuhan; kaya binalewala na ng NBOC ang nasabing reklamo.

Ngunit maaaring imbestigahan ang mga iregularidad sa quick count, maaaring ng Senado, in aid of legislation, gaya ng iminungkahi ni Sen. Cynthia Villar. O ng Comelec, gaya ng ipinapanukala ng iba. Ang posibilidad na nangyari nga ito—kahit pa hindi opisyal ang mabilisang pagbilang na ito—ay dapat na siyasatin.

Sinabi ni Senator Villar na susuportahan niya ang pangkalahatang pagbusisi sa proseso ng automated election. Sinabi niya na kanyang isusulong ang isang hybrid system—ang manu-manong pagbilang sa mga boto sa voting center, samahan pa ng electronic transmission ng resulta ng botohan mula sa mga bayan o siyudad, patungo sa provincial center, at sa national canvassing center. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng basehan ang isang reklamo, matutunton o may paper trail.

Tapos na ang eleksiyon at naiproklama na ang mga nanalo. Ngunit maaari pa ring imbestigahan ng Kongreso ang mga alegasyon ng dayaan at iba pang anomalya, hindi dahil makaaapekto pa ito sa resulta ng halalan, kundi upang magpatupad ng mga hakbangin na maaaring magbunsod upang mapanagot ang anumang paglabag. Higit pa rito, ang pagsisiyasat ng Kongreso ay maaaring magresulta sa pag-akda ng batas na magpapabuti at magpapatatag sa sistema ng eleksiyon sa bansa.