Salapi ang nagtulak sa isang Chinese upang patayin ang kanyang boyfriend na isinilid pa sa sako ang bangkay bago inabandona sa Cavite City nitong Sabado.
Sa panayam, sinabi ng suspek na si Tsai Che Yu, alyas “Jason Lee”, 23, na aksidente niyang napatay si Robert William Rely, alyas “Ashley Ann”, 23, matapos magdilim ang kanyang paningin dahil hinihingan umano siya ng napakalaking halaga.
“It happened so fast. We were arguing because he was asking so much money. He told me ‘give me P300,000. I don’t know what for but I told him I don’t have big money. He was crazy,” iginiit ni Yu.
Sa kasagsagan ng kanilang bangayan, inamin ni Lee na sinakal niya si Rely bago pinagsasaksak sa leeg.
“He was shouting, asking me to stop but I won’t listen. I was mad,” dagdag ni Lee.
Naaresto si Lee nang bumalik ito sa kanyang condo unit sa Tower D, Shell Residences, EDSA Extension, Pasay City, dakong 1:15 ng hapon nitong Sabado, ayon kay Pasay City Police Station chief Senior Supt. Joel Doria.
Base sa CCTV footage, umalis si Lee sa kanyang unit dakong 12:54 ng madaling araw nitong Sabado habang may hinihilang luggage.
Matapos ang halos apat na oras, napansin ni Noli Manlolo, officer-in-charge ng condominium, na bukas ang pintuan ng unit ni Lee kaya ininspeksiyon niya ito. Dito na niya napansin ang bakas ng dugo sa sahig at agad ini-report sa management. - Martin A. Sadongdong