GINAGAMIT na ni Pangulong Digong ang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya ng taumbayan para sa kanyang pansariling kapritso. Sukat ba namang ilagay niya sa isang buslo ang mga mamamahayag, kriminal at sangkot sa droga na dapat umanong patayin. Ayon kasi sa kanya, ang pinatay na mediamen ay tiwali. Binigyan na nga aniya sila ng pera, binabatikos pa rin nila ang nagbigay sa kanila.

Hindi talagang maipagkakaila na sa hanay ng mga mamamahayag ay may tiwali. Ginagamit nila ang media sa hindi magandang paraan. Pero, nagagwa nila ito dahil may nadiskubre silang mga taong gobyernong ginagamit ang kanilang kapangyarihan sa mali ring paraan at layunin. Pero hindi ito ang dahilan kung bakit hindi katanggap-tanggap ang sinabi ni Pangulong Digong ukol sa pinaslang na mediamen.

Sa isang demokratikong bansa, tulad ng sa atin, karapatan ng mamamayan ang mamahayag. May Saligang Batas man na naggagarantiya nito o wala, karapatan nila itong taglay sa kanilang pagsilang. Dahil, sa demokratikong lipunan, lahat ng kapangyarihan ay nagbubuhat sa kanila. Kaya ang karapatang mamahayag, wika ni Justice Isagani Cruz sa kanyang concurring opinion sa Valmonte vs Belmonte, ay armas ng taumbayan. Tangan nila ito sa kanilang kamay, sinuman sila o anuman ang kanilang kalagayan sa buhay. Kaya ang sinumang nagnais na sarilinin ang kapangyarihan ng gobyerno, tulad ng ginawa ni Pangulong Marcos nang ipataw niya ang batas militar sa bansa, ang una umano niyang gagawin ay patayin o sikilin ang media upang walang panlaban ang mamamayan laban sa kanya.

Kaya, higit na mabuti na inaabuso ang karapatang mamamahayag kaysa supilin ito. Dahil ang demokratikong gobyerno ay gobyerno ng taumbayan. Ang nagpapatakbo nito ay ang pinagkatiwalaan nila ng kanilang kapangyarihan na inaasahan nilang gagamitin ito ayon sa kanilang kapakanan. Paano kung gamitin ngayon ang gobyerno ng mga pinagkalooban ng mamamayan ng kanilang kapangyarihan para sa kanilang sariling interes o sa tiwaling paraan? Hindi ito masasawata o makokontra ng taumbayan kapag siniil ang kanilang karapatang mamahayag. Kaya nga sabi ni U.S. Pres. Thomas Jefferson: Higit kong gugustuhin na may media kahit walang gobyerno kaysa may gobyernong wala namang media.

Kaya hindi katanggap-tanggap ang tinuran ni Pangulong Digong ay dahil ang pagpaslang sa mediamen ay atake sa kalayaan sa pamamahayag ng mamamayan. Hindi isyu kung ang mamamahayag ay iyong gaya ng sinasabi ng Pangulo na corrupt. Ang kalayaang kasing ito ay sa taumbayan at balewala ito kung walang media. Ang mediamen ay nasa unang hanay na gumagamit ng karapatang ito.