Ni BETHEENA KAE UNITE
Pagkawala ng mga out-of-school youth (OSY) sa Pilipinas. Ito ang hamon ni Department of Education (DepEd) Secretary Armin Luistro sa susunod na administrasyon.
“The challenge for the next administration is to make sure that the number of out-of-school youths must be zeroed out,” ani Luistro.
Sinegundahan ito ni incoming Education Secretary Leonor Briones, sinabing iisa ang pananaw nila ni Luistro sa larangan ng edukasyon.
Naniniwala si Briones na alinsunod sa implementasyon ng pinakamalaking edukasyong pangreporma sa kasaysayan ng bansa, mahalagang ibalik sa eskuwelahan ang mga hindi nasaklaw ng Kto12 program. Ito ay ang mga OSY, matatandang natigil sa pag-aaral, at ang mga kinapos ng pera at hindi makapagsimula ng senior high school (SHS) at kolehiyo.
“We are both concern about those who are left out by the Kto12 program. I believe that the concern of President-elect Duterte is how to absorb and bring in those who will not be joining in the program,” ani Briones.
Sa nakalipas na anim na taon, sinabi ni Luistro na ang pinakamalaking pagbabagong idinulot ng Brigada Eskwela simula nang ipatupad ito noong 2001, ay ang paghimok sa pagbabalik-eskuwela ng ilan, bukod pa sa mas maraming bata ang nagpapa- enroll.
Sinabi ni Luistro na noong 2008, may kabuuang 2.9 milyong OSY sa bansa ngunit bumaba ito sa 1.2 milyon noong 2013.
“There are already cities and provinces who have achieved zero OSYs, what they did was they conducted house-to-house operations,” anang kalihim.
Samantala, sinabi ni Briones na sa plano niyang pag-ibayuhin ang Kto12 program at piigtingin ang programa sa Alternative Learning System (ALS) ay batid niyang malaking problema ang kakapusan sa pondo.
“Kulang talaga ang funding ng education, even it appears to be large. And supposedly, you go by international standards, dapat 6 percent of GDP and we are now spending just 2 percent of the GDP,” ani Briones.