Pasa, bukol at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang inabot ng 20 tambay matapos sampolan ng martial arts ng isang South Korean na kanilang sinita dahil sa umano’y panghihipo ng dibdib ng isang ginang sa Pedro Gil Street, Sta. Ana, Manila, nitong Sabado ng madaling araw.

Maging ang mga imbestigador ay natulala sa ipinamalas na galing ng suspek na si Kyun Tack, 44, kasalukuyang naninirahan sa Nueva Ecija, sa Taekkeyon, isang uri ng Korean martial arts, na kanyang ginamit sa pagpapabagsak sa 20 residente na nagtangkang manggulpi sa kanya dakong 1:20 ng madaling araw nitong Sabado.

Kabilang sa mga bugbog-sarado ay si Angelito Banawa, 42, asawa ng babaeng hinipuan umano ni Tack. Nang rumesbak ang mga kapitbahay ni Banawa ay pasa at sugat din ang inabot nila sa suntok at sipa na pinakawalan ni Tack.

Bagamat lasing, hindi nakuhang saktan ng grupo ni Banawa si Tack dahil sa husay nito sa martial arts.

Eleksyon

Vic Rodriguez, pamumunuan ang 'tunay na oposisyon' sa senado

Kumalma lamang si Tack nang dumating na ang mga rumespondeng tauhan ng Manila Police District Station 10 na nakumbinsi itong sumuko at sumakay sa mobile patrol patungo sa presinto.

Ayon sa biktima, isasara na sana ng biktima ang pintuan ng kanilang bahay nang bigla na lamang umanong lumitaw si Tack at nanghipo ng dibdib na naging mitsa ng mala-pelikulang eksena ng bakbakan. - Argyll Cyrus B. Geducos