France Tennis French Open

PARIS (AP) — Natikman ni Serena Williams ang isa sa pinakamapait na kabiguan nang silatin siya ng noo’y 20-anyos at bagitong si Garbine Muguruza sa second round ng French Open, 6-2, 6-2.

Makalipas ang dalawang taon, muling magsasangga ang landas ng dalawa sa parehong torneo at sa pamosong clay court ng Roland Garros. Ngunit, sa pagkakataong ito, mas mataas ang nakataya para sa defending champion at world No.1.

Target ni Williams na makopo ang ika-22 major championship at pantayan ang record ni Steffi Graf sa kasaysayan ng Open era. At ang nalalabing balakid para sa katuparan nang inaasam na pangarap ni Williams at ang Spanish rival.

Human-Interest

Magna cum laude graduate na pinagsuot ng toga ang ama, kinaantigan

“I learned so much from that match. I hate to lose, but when I do, I hope it was worth it,” pahayag ni Williams,

patungkol sa kabiguan kay Muguruza. “That match was definitely one of those that was kind of needed and worth it.”

Mula nang maganap ang naturang kabiguan, naitala ni Williams ang impresibong 47 panalo sa 50 laro sa major, tampok ang apat na tropeo para mahila ang career major win sa 21. Tanging sina Graf at Margaret Court (24) ang may pinakamaraming major title sa kasaysayan ng women’s tennis.

Kumatatok si Williams sa kasaysayan nang gapiin si Kiki Bertens 7-6 (7), 6-4 sa semi-final nitong Biyernes (Sabado sa Manila). Nakausad ang No. 4-seeded na si Muguruza nang patalsikin si 2011 U.S. Open champion Sam Stosur sa hiwalay na semis match, 6-2, 6-4.

“She and I are players who like dictating the game,” sambit ni Muguruza, patungkol sa istilo ni Williams. “There will be moments when she’ll be dominating, and maybe at times, I will be dominating. I think I can be a tough opponent, too.”

Sa men’s singles match, tumatag ang kampanya ni No. 1 Novak Djokovic para sa ika-apat na sunod na Grand Slam title at kauna-unahang French Open nang malusutan si No. 13 Dominic Thiem 6-2, 6-1, 6-4.

Makakaharap niya sa finals si No. 2 Andy Murray, tinanghal na kauna-unahang Briton na nakapasok sa championship round ng Open mula noong 1937, matapos daigin si defending champion Stan Wawrinka 6-4, 6-2, 4-6, 6-2.