Sa halip na mag-enjoy, “bangungot” ang kinahinatnan ng pagbabakasyon ng dalawang dayuhang turista sa Pilipinas matapos tangayin ng isang taxi driver ang kanilang mga bagahe sa Pasay City, nitong Miyerkules.
Nanlulumong nagtungo sa tanggapan ni Pasay City Police chief Senior Supt. Joel Doria si Josef Gulas, 50, ng Greenville Street, Belfast BT 55AG, United Kingdom, at pamangkin nitong si Mario Gulas, na kapwa pansamantalang nanunuluyan sa Mabuhay Manor Hotel, sa Ortigas. Ang magtiyuhin ay kapwa Czech national.
Patuloy na inaalam ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng driver ng Josmin Taxi, na may plakang TYX 217.
Sa reklamo ng dalawang dayuhan, dakong 2:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa Roxas Boulevard.
Si Mario ang kumontak sa driver ng taxi para sunduin ang kanyang tiyuhing si Josef sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
At habang binabagtas ng taxi ang lugar, nakaramdam ng gutom si Josef at inutusan ang driver na iparada sandali ang sasakyan upang bumili ng pagkain sa isang fast food restaurant.
Nagulat ang magtiyuhin nang makitang wala na ang taxi sa parking lot, tangay ang kanilang bagahe na inilagay nila sa compartment ng sasakyan, kaya agad silang nagpunta sa himpilan ng pulisya.
Sa pagberipika ng awtoridad sa Land Transportation Office (LTO) Pasay City, natukoy na ang plaka ng taxi ay nakarehistro sa isang Isuzu Elf truck, na pag-aari ng Freeze Co. Inc. na nasa 8 Veterans Road, Veterans Center, Western Bicutan, Taguig City. (Bella Gamotea)