Nagsama-sama ang mediamen, partikular na ang mga miyembro ng Manila Police District Press Corps (MPDPC), para igiit ang hustisya sa pagkamatay ng hard-hitting columnist na si Alex Balcoba ng People’s Brigada.

Nakasuot ng kulay puti at itim na T-shirt, nakisimpatya ang mga mamamahayag sa pamilya ni Balcoba sa paghahatid sa biktima sa huling hantungan matapos dumalo sa misa sa Espiritu Santo Catholic Church, sa Tayuman St., Sta. Cruz, Manila.

Pagkatapos mabasbasan ang labi ni Balcoba ay iniikot ito sa kanyang watch repair shop sa Quezon Boulevard sa Quiapo, Manila kung saan siya binaril sa batok ng hindi kilalang suspek noong Biyernes ng gabi.

Nag-alay ng panalangin ang kanyang pamilya at mga mamamahayag at nagtirik pa ng kandila sa lugar upang ipakita ang kanilang sentimiyento sa pagpatay kay Balcoba.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Pagkagaling sa Quiapo ay dumiretso na sila sa St. Nathaniel Crematorium sa Caloocan City para sa cremation ni Balcoba dakong 1:00 ng hapon.

Sabay-sabay na nagpalipad ng mga puting lobo, na may mga nakasulat na “JUSTICE FOR ALEX BALCOBA” at “STOP KILLING JOURNALISTS” ang mga mamamahayag bilang simbolo ng paghingi ng katarungan sa pagkamatay ng kolumnista.

Samantala, nagpahayag naman ng galit at sama ng loob ang asawa ni Balcoba na si Florabel dahil sa naging pahayag ng bagong administrasyon na ilan sa mga napapatay na media ay tiwali.

Giit ni Florabel, mabait at mabuting tao si Balcoba at wala itong anumang rekord nang pagiging tiwali.

(Mary Ann Santiago)