BALIK-eskuwela na sa Hunyo 13, 2016 para sa mahigit 20 milyong estudyante—ang lahat ay sa ilalim ng K to 12 program sa mga pampublikong paaralang elementarya at high school sa bansa. Ang school year (SY) 2016-2017 ay binubuo ng 202 araw ng pagpasok, kabilang ang limang-araw na in-service training break, at opisyal na magtatapos sa Abril 7, 2017.
Maaaring hindi sumunod ang mga pribadong eskuwelahan sa school calendar, ngunit hindi sila maaaring magsimula ng klase nang mas maaga sa unang Lunes ng Hunyo at hindi rin maaaring lumampas sa huling araw ng Agosto, alinsunod sa Republic Act 7797, o ang An Act to Lengthen the School Calendar from 200 Days to Not More than 220 Class Days.
Muling inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang Oplan Balik Eskwela (OBE) at ang Public Assistance Station (PAS) upang matiyak ang maayos na pagbubukas ng klase. Nireresolba ng OBE at PAS ang mga problema na karaniwan nang nararanasan sa pagsisimula ng school year. Simula noong 2005, malaki ang naitulong ng OBE upang matiyak ang maayos na pagbabalik-eskuwela sa pamamagitan ng mga quick-response team, mga emergency hotline, at mga help desk nito upang matugunan ang mga pangangailangan at katanungan tungkol sa pagsisimula ng klase. Ngayong taon, katuwang nito ang isang call center upang mangasiwa sa isang Senior High School (SHS) Help Desk mula Mayo 23 hanggang Hunyo 30, 2016.
Tinutugunan ng OBE ang mga problema at iba pang hamon, gaya ng mga school record, room assignment, silid-aralan, guro, supply ng kuryente at tubig, trapiko, kapayapaan at kaayusan, lagay ng panahon, at presyo ng mga gamit pang-eskuwela. Bumuo na ang DepEd ng isang inter-agency task force kahit malayo pa ang pagbubukas ng klase. Ang task force ay binubuo ng Departments of Energy, Interior and Local Government, Health, National Defense, Public Works and Highways, Social Welfare and Development, at Trade and Industry. Bahagi rin ng task force ang Philippine National Police, Office of Civil Defense, Philippine Atmospheric Geophysical, and Astronomical Services Administration, at Metropolitan Manila Development Authority. Sa tulong naman ng Brigada Eskwela, nakumpuni at nalinis ang mga silid-aralan nitong Mayo 30 hanggang sa Sabado, Hunyo 4, 2016.
Sa SY 2016-2017 ipatutupad ang batas sa K to 12, partikular na ang dalawang-taong senior high school (Grades 11-12), na may 1.5 milyong estudyante ang inaasahang mag-e-enrol. Ngayong taon sisimulan ang Grade 11 sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa, at Grade 12 naman sa 2017. Ilan lamang ang inaasahang tutuntong sa unang taon ng kolehiyo ngayong taon dahil sa SHS.
Sa bisa ng K to 12, inoobliga ang isang estudyante na sumailalim sa kindergarten, anim na taon ng elementarya, apat na taon sa junior high school, at dalawang taon sa senior high school. Ang 12-taong sistemang ito ay itinakda, gayundin ang pagpapatupad ng bagong curriculum sa lahat ng paaralan. Ang pagpapatupad ng universal kindergarten ay nagsimula noong SY 2011-2012, na sinundan ng isang bagong curriculum para sa Grade 7 noong SY 2012-2013.