Nadakip ng mga tauhan ng Taguig City Police ang isang hinihinalang miyembro ng “Donut Gang” habang nakatakas ang kasamahan nito matapos muling bumalik sa isang shopping mall sa Bonifacio Global City (BGC) upang magnakaw ng karagdagang gulong ng sasakyan, nitong Lunes.

Kinilala ni Insp. Romel Bulan ang naaresto na si Romeo Dealagdon, driver ng silver na Mitsubishi Adventure (ZJC-143).

Sa record ng pulisya, noong Mayo 8 unang naitala ang pagnanakaw ng gulong sa mga nakaparadang sasakyan sa mga mall sa BGC, na responsable umano ang mga suspek gamit ang naturang Mitsubishi Adventure.

Kamakalawa ng gabi, muling bumalik ang grupo ni Dealagdon sa mall upang magnakaw ng karagdagang gulong subalit mabilis itong naitimbre ng mga guwardiya sa mga tauhan ng Police Community Precinct sa BGC.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nang lapitan para sitahin ng guwardiya, pinaharurot ni Dealagdon ang kanyang sasakyan kaya hinabol sila ng mga pulis.

Naipit sa trapiko sa C-5 Road ang Mitsubishi Adventure kaya lumabas ng sasakyan ang driver na si Dealagdon at kasama nito upang tumakas subalit minalas na nadapa ang una kaya nadakip ito ng awtoridad.

Narekober sa loob ng sasakyan ang limang nakaw na gulong, mga gamit sa pagbabaklas ng spare tires, at iba’t ibang papeles ng sasakyan. (Bella Gamotea)