Mga laro ngayon

(San Juan Arena)

1 n.h. – Sta. Elena vs Air Force

4 n.h. -- Iriga vs Baguio

Volleyball fans may bagong aabangan sa PVL!

6:30 n.g. -- Pocari vs NU

Maagang pamumuno ang pag-aagawan ng opening day winner Pocari Sweat at National University sa kanilang pagtutuos sa tampok na laro ngayong araw sa pagpapatuloy ng Shakey’s V League Season 13 Open Conference sa San Juan Arena.

Magtutuos ang Pocari at NU sa tampok na laban ganap na 6:30 ng gabi matapos ang unang laro sa pagitan ng provincial teams Iriga at Baguio ganap na 4:00 ng hapon.

Mauuna rito, mag-uunahan ding humanay sa naunang dalawang koponang nagtagumpay ang Sta.Elena at ang Philippine Air Force sa kanilang pagtatapat sa nag- iisang laro sa Spiker’s Turf ganap na 1:00 ng hapon.

Bagama’t mayroon lamang 10 player sa kanyang line-up, tinalo ng Lady Bulldogs ni coach Roger Gorayeb, ang Laoag Power Smashers habang nanaig naman ang Pocari Lady Warriors kontra sa University of the Philippines Lady Maroons.

“Magandang test sa amin yung laban against Pocari. Alam naman natin na puro beterano yung mga players nila while yung team ko ay nag-uumpisa pa lang ulit ,” pahayag ni Gorayeb na muling aasahan ang mga natirang hitters na sina Jaja Santiago at Jorelle Singh, at ang kanyang versatile setter na si Justine Nabor.

Sa kabilang dako, tiyak namang mamumuno para sa asam nilang ikalawang panalo sina team skipper Michelle Gumabao, ang dating NU hitters na sina Myla Pablo, Desiree Dadang at sina Maricar Nepomuceno at Elaine Kasilag. (Marivic Awitan)