Wala nang buhay nang matagpuan ng mga awtoridad ang isang construction worker na pinagtulungang saksakin at paluin ng maso ng lima niyang kainuman sa ginagawa nilang gusali sa Caloocan City, kahapon ng umaga.

Nakilala ang biktima na si Josein Pasuelo, 29, ng Pampano Street, Barangay 14, ng nasabing lungsod.

Nagtamo si Pasuelo ng malalalim na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at basag ang kanyang bungo.

Pinaghahanap naman ang mga suspek na nakilala lamang sa mga alyas na Bong, Jonar, Jayson, Palalay at Jonar, na umano’y pawang stay-in construction worker at kasamahan ng biktima.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Dakong 6:00 ng umaga nang matagpuan ng dalawa pang trabahador ang bangkay ni Pasuelo sa ikalawang palapag ng ginagawang gusali sa Bgy. 14.

Nauna rito, nakita ng ilang residente na nakikipag-inuman si Pasuelo sa lima pa niyang kasamahan.

May hinala ang pulisya na nagalit ang mga suspek sa biktima dahil bukod sa pagiging katiwala ni Pasuelo sa kanilang trabaho ay kaanak pa ito ng may-ari ng ginagawang gusali.

Narekober ng mga pulis ang duguang maso at patalim sa crime scene. (Orly L. Barcala)