Pinabulaanan ni PO2 Jolly Aliangan ang mga akusasyon na sangkot siya sa ilegal na droga, matapos siyang maaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), kasama ang kanyang asawa at pinsan, dahil sa umano’y pagbebenta ng mga droga na nakumpiska ng awtoridad.

Base sa 15-pahinang counter affidavit na kanyang inihain sa Department of Justice (DoJ), sinabi ni Aliangan na walang naipakita ang raiding team ng NBI-National Capital Region na search warrant kaya maituturing na ilegal ang pagkakaaresto nila sa kanilang bahay sa Sampaloc, Manila.

Iginiit din ni Aliangan, miyembro ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Anti-Illegal Drugs Unit, na itinanim lang ang mga ilegal na droga at hindi lisensiyadong baril na natagpuang sa kanyang bahay, habang ang P6.9 milyon na nadiskubre sa isang safety vault ay pag-aari ng kanyang ina na si Maria Lapuz.

Tinangka pa, aniya, ng mga NBI agent na hingin ang P6.9 milyon bilang kapalit upang hindi nila isulong ang kaso laban sa kanya, at hindi rin madamay ang kanyang ina.

Eleksyon

Comelec, idineklarang walang 'failure of elections' sa kahit saang lugar sa bansa

Bukod dito, sinabi rin ni Aliangan na nagkaroon ng paglabag sa chain of custody at movement of seized items dahil hindi awtorisado ang mga pulis na kasama sa raiding team upang bitbitin ang mga nakumpiskang gamit.

Binalewala naman ni NBI-NCR Regional Director Max Salvador ang hirit ni Aliangan.

“Nandoon ang camera ng media at mga barangay. Maraming nakakita kaya imposible 'yung sinasabi niya,” ani Salvador.

(Argyll Cyrus B. Geducos)