Dumalo man o hindi si President-elect Rodrigo Roa Duterte, tuloy ang proklamasyon ng mga nanalo sa presidential at vice presidential race, bukas ng hapon sa joint session ng Kongreso.

Ito ang binigyang-diin ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. sa gagawing pag-apruba sa opisyal na ulat ng joint canvassing panel, na nakasaad na ang alkalde ng Davao City ang nanalo sa pagkapangulo habang si Camarines Sur Rep. Leni Robredo sa pagka-bise presidente, sa eleksiyon nitong Mayo 9.

“We are awaiting his word if he will come on Monday proclamation,”saad sa text message ni Belmonte tungkol sa imbitasyon ng mga mambabatas kay Duterte.

Sinabi ni Majority Leader at Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II, pinuno ng seven-man House contingent sa joint canvassing panel, na walang mangyayaring paglabag sa batas kung hindi sisipot si Duterte sa Kongreso, na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC) at magpoproklama sa alkalde at kay Robredo bukas.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“I understand both Senate President (Franklin) Drilon and Speaker extended their invitation. The presence or absence of the winner to be proclaimed by Congress will not affect the legality. It is legal with or without their presence,” paliwanag ni Gonzales.

Una nang inihayag ni Duterte, na nakakuha ng 16,601,997 boto upang maging susunod na pangulo ng bansa, na wala siyang balak na dumalo sa proklamasyon bilang ika-16 na pangulo ng bansa.

Aniya, sisipot lamang siya sa panunumpa sa tungkulin bilang kapalit ni outgoing President Benigno S. Aquino III sa Hunyo 30.

Kabilang sa mga sumang-ayon sa hindi pagsipot ni Duterte sa proklamasyon sa Kongreso ay sina Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at 1-BAP Party-list Rep. Silvestre Bello III na kapwa nagsabing hindi obligasyon ng alkalde ng Davao na dumalo sa naturang okasyon dahil ito ay maituturing na “ceremonial” lamang. (CHARISSA M. LUCI)