Nilooban na ay pinatay pa ng isang lalaki ang isang matandang dalaga sa loob ng kanyang tahanan sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Labindalawang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang ikinasawi ni Verna Fabro, 50, ng 2325 Legarda Street sa Sampaloc.
Ang kapitbahay ng biktima na si Reynaldo Payumo, 38, ang itinuturong suspek sa krimen.
Batay sa ulat ni SPO2 Jonathan Bautista, nabatid na dakong 7:00 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang inuupahang kuwarto.
Kukunin sana ng kanyang pamangkin ang ipinatabing gamit nang madiskubreng patay na ang biktima kaya kaagad itong nag-report sa mga pulis.
Nabatid na una nang pinagnakawan ni Payumo ang biktima at tatlo pa nitong kapitkuwarto ngunit hindi ito idinemanda matapos magmakaawa at sinabing nagawa lamang ang krimen para may ipambili ng gatas ang kanyang anak.
(Mary Ann Santiago)