052716_Fire_Maynila_Jun Ryan Aran_as-14 copy

Isang lolang may kapansanan ang nasawi habang siyam na iba pa ang nasugatan sa isang sunog na sumiklab sa isang residential area sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Tinatayang aabot sa 100 bahay na pawang gawa sa light materials ang natupok ng sunog, at nadamay pa ang isang chapel at isang apat na palapag na gusali.

Nakulong naman sa nasusunog na tahanan si Victoria Mina, 70, na sinasabing pilay, at hindi agad nailabas sa kanyang tahanan.

Kahayupan (Pets)

Asong inabandona sa paradahan ng tricycle noon, 'poging-pogi' na ngayon

Tinangka pa umanong balikan ng kanyang mga kaanak ang matanda ngunit hindi na sila makapasok pa sa bahay dahil mabilis ang paglaki ng apoy.

Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa natatagpuan ang matanda dahil sa kapal ng debris sa lugar.

Batay sa ulat ng Manila Fire Department, dakong 3:16 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa bahay ng isang Jocelyn Miranda sa Narcisa Street sa Tondo.

Dakong 4:24 ng umaga nang ideklara itong nasa Task Force Alpha.

Ayon kay Fire Chief Insp. Rex Afalla, Deputy District Fire Marshall for Operations ng Manila Fire Department, dakong 11:07 ng umaga nang ideklarang fire under control ang sunog.

Nahirapan, aniya, silang apulahin ang apoy dahil malalayo ang fire hydrants sa lugar at sala-salabid ang mga kable at koneksiyon ng kuryente, na hinihinalang pinagmulan ng apoy.

May siyam na residente ang iniulat na nasugatan sa sunog, kabilang ang isang 98-anyos na babae na si Felisa Gomez, na naisugod na sa Jose Reyes Memorial Medical Center matapos mahirapang huminga; at isang Michael Garcia, fishball vendor, na binugbog ng mga residente matapos mapagkamalang nagnanakaw.

Tinatayang aabot sa P10 milyon ang halaga ng mga ari-ariang naabo sa sunog, na naging dahilan upang mawalan ng tahanan ang nasa 200 pamilya. (MARY ANN SANTIAGO)