Sinentensiyahan ng Manila Regional Trial Court (RTC) ng 83 taong pagkakakulong ang isang dating cashier ng Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila dahil sa mga kasong graft, malversation, at falsification of public documents.
Ayon sa Office of the Ombudsman (OMB), idineklarang guilty si Adelain Bacor at hinatulan ng 10-16 na taong pagkakakulong para sa kada kaso ng tatlong bilang ng malversation, apat hanggang siyam na taon para sa kada kaso sa tatlong bilang ng falsification, at walong taon para sa paglabag sa anti-graft law.
Pinagmumulta rin ng korte si Bacor ng P96,000.
Sinabi ng OMB na ipinalabas ni Bacor na umabot lamang sa P21,778.50 ang kanyang koleksiyon bilang cashier ng PGH mula Hulyo hanggang Disyembre 2005, subalit kalaunan ay napag-alaman ng mga imbestigador na ito ay nasa P833,047.60.
Nang isailalim sa audit, nadiskubre na hindi ini-remit ni Bacor ang ibinayad ng 44 na pasyente ng cardiac cauterization laboratory, at hindi idineklara ang tunay na lagay ng mga pasyente at ang prosesong medikal na ginawa sa kanila.
“Bacor denied the charges and presented a very superficial explanation that the discrepancies could be brought about by some errors,” pahayag ng Ombudsman. (Jun Ramirez)