Inaresto ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) kahapon ang isang pulis sa Balic-Balic, Sampaloc sa Maynila dahil sa umano’y pagbebenta ng mga ilegal na droga at drug paraphernalia na nakumpiska sa mga operasyon ng pulisya.

Ayon kay NBI-NCR Director Atty. Max Salvador, dinakip si PO2 Jolly Alangan, ng Regional Anti-Illegal Drugs Division ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa loob ng tatlong-palapag na bahay nito kahapon ng umaga.

Inaresto rin ang pinsan ni Alangan na si Jeffrey Gutierrez, civilian agent ng NCRPO, at ang asawa ni Alangan na si Rona Navarro.

“Noon pa may information na about some people moving illegal drugs from the Bilibid. ‘Yun ang pinagtuunan namin ng pansin hanggang sa makuha namin ang pangalan,” sabi ni Salvador.

National

Meralco, tapyas-singil sa kuryente ngayong Mayo

Sinabi ni Salvador na ibinebenta ni Alangan sa ilang suki nito sa Metro Manila ang mga ilegal na droga at paraphernalia na nakumpiska nito sa mga operasyon. Magbabayad ang mga kostumer sa pamamagitan ng money remittance at kukuhanin ang kontrabando mula sa bahay ng pulis.

Sa pagsalakay sa bahay ni Alangan, nasamsam din ang ilang hindi lisensiyadong baril at isang vault na naglalaman ng mahigit 100 gramo ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia, at P6.9 milyon cash.

Gayunman, sinabi ni Salvador na ang ilan pang shabu ay nagawang i-flush sa inodoro ng asawa ni Alangan.

(Argyll Cyrus B. Geducos)