Inaasahan na maiibsan ang pagbaha sa ilang bahagi ng Maynila kapag natapos na ang ginagawang Blumentritt Flood Control project.

Ayon kay National Capital Region (NCR) Regional Director Melvin Navarro, hindi man lubusang mareresolba ang pagbaha sa Metro Manila, makakatulong nang malaki ang patapos nilang proyekto para pagaanin ang paglalim ng baha, partikular sa España Boulevard sa Lungsod ng Maynila na madalas lumubog tuwing tag-ulan.

Unang sinabi ni Public Works Secretary Rogelio Singson na matatapos nitong Marso ang P560-million Blumentritt floodwater interceptor project.

Ngunit, ayon kay Navarro, dahil sa mga usapin ng right of way ay naurong ang kanilang paggawa. Subalit tiniyak niya na naresolba na ang lahat ng isyu at ganap na itong matatapos sa Hunyo 30.

'Para pa ba sa akin 'to?' Zephanie, muntik nang umexit sa showbiz

Ang nabanggit na flood control project ay bahagi ng P351.7 billion Master Plan for Flood Management sa NCR at sa mga paligid na lugar, na matatapos sa 2035.

Kabilang sa master plan ng Kagawaran ay ang pag-upgrade sa mga pumping station, paglilinis sa mga imburnal at paglilinis sa mga daluyan ng tubig sa mga lugar ng informal settlers.

Nakalagay sa master plan na tinatayang 20 taon, simula nang ito’y gawin noong 2015 bago, mareresolba ang problema sa baha.

Aminado ang kagawaran na ang paglala ng pagbaha sa Metro Manila ay hindi maaaring maresolba sa magdamag o isang taon lamang. (BELLA GAMOTEA)