CITY OF ILAGAN, Isabela – Muling umatake ang tinaguriang killer bus, at apat na pasahero ng isang tricycle ang nasawi sa banggaan sa Barangay Alibagu, Ilagan City, Isabela, nitong Sabado ng gabi.

Sinabi ni Ilagan City Police chief Supt. Manuel Bringas na nangyari ang aksidente dakong 10:00 ng gabi nitong Mayo 21.

Aniya, patimog at tinatahak ng Florida Bus Line, na minamaneho ni Joseph Pasaraba, 50, ng Bgy. Sta. Maria, Lallo, Cagayan, ang pababang bahagi ng kalsada nang biglang sumulpot sa kaparehong lane ang tricycle kaya nasalpok ito ng bus.

Agad na nasawi ang lahat ng sakay sa tricycle na sina Leonardo Ander, 39, may asawa, ng Bgy. Osmeña; Elmer Ignacio, 29, may asawa, ng Bgy. Aggassian; Malito Manalo, 39, may asawa, ng Bgy. Capo; at Jerome Galasinao, 33, may asawa, ng Bgy. Fugu, pawang taga-Ilagan City.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Arestado si Pasaraba na kakasuhan ngayong Lunes ng reckless imprudence resulting in multiple homicide. - Liezle Basa Iñigo