Hiniling ng Philippine Sports Association for the Differently-Abled (Philspada) sa Bipartite Commission ang invitation slot para sa apat nitong atleta sa athletics at para-triathlon para mapalakas ang tatlong katao na RP Team na nakapagkuwalipika sa 2016 Paralympics sa Rio de Janeiro

Sinabi ni Philspada-NPC Philippines executive director Dennis Esta na umaasa sila na pagbibigyan ng International Paralympic Committee pati na rin sa International Federation ang kanilang hiling upang bigyan ng tsansa na makasama sina Andy Avellana, Jerrold Mangliwan, at Marites Burce sa athletics at paratriathlete Sixto Bucay

Tatlo pa lamang sa kasalukuyan ang kumpirmado na sasabak sa Rio ParaLympics na gaganapin sa Setyembre 7-18. Ito’y sina Josephine Medina sa table tennis, Ernie Gawilan sa swimming at ang beteranong powerlifter at 2000 Sydney Paralympics bronze medalist na si Adeline Dumapong-Ancheta.

“Ipinadala na namin ang request sa Bipartite (commission) at sana aprubahan,” sabi ni Esta.

PBA, hinihingi panig ni Amores; makabalik pa kaya sa liga?

Nakapagwagi ng gintong medalya sina Avellana sa high jump men’s F42/44, at Mangliwan sa T52 wheelchair racing sa nakaraang 2015 Asean Para Games sa Singapore kung saan ay napag-usapan ang kanilang tsansang makalaro sa Rio sa pagitan ng Philspada at IPC Athletics.

Nagpasiya naman sina Esta at Philspada na pormal na magpadala ng kahilingan para sa silya ng dalawa gayundin kay Marites Burce, na lahok, sa throwing event matapos itong makalahok sa 2012 Paralympics sa London. - Angie Oredo