NOONG panahon ng diktadurang Marcos, kahit kamay na bakal na ang kanyang pamamahala, hindi niya nasawata ang halos araw-araw na pangho-hold up sa mga pampublikong sasakyan. Dahil dito ay nilikha niya ang Secret Marshalls at Crimebusters, mga hindi unipormadong pulis na magkukunwaring mga pasahero upang barilin at patayin ang mga mahuhuli nila sa aktong nangho-hold up. Mula noon, walang araw na walang mga bangkay na nakahambalang sa kalye. Ang mga bangkay na ito ay sa mga holdaper umano na pinatay ng mga Secret Marshall at Crimebuster. Subalit bumaha rin ng luha sa kalye mula sa mga magulang at kamag-anak ng mga pinatay na sumisigaw na hindi mga hold upper ang mga ito at wala silang kasalanan.

Nagsampa ako ng kaso sa Korte Suprema para ipabuwag ang Secret Marshall at Crimebuster. Nang isalang na ang kaso, Valmonte vs Integrated National Police, et. al. for oral argument, sinabi ko sa korte na ang mga ito ay labag sa due process ng Saligang Batas. Sa papapatay nila ng tao, ginanap na nila sa kanilang sarili ang pulis, prosecutor, hukom at taga bitay. Nangyayari ito, paliwanag ko, ay dahil sa kautusang nilikha ni Pangulong Marcos na nagbibigay sa kanila ng lisensiyang pumatay. Kaya, ipinababasura ko ang kautusang ito. “Anong lisensiyang pumatay?” sagot ni Solicitor General Estelito Mendoza na siyang humarap na abogado ng gobyerno. Inilabas niya sa Korte ang tinukoy kong kautusan at sinabi niya na wala rito ang nagbibigay sa kanila ng lisensiyang pumatay.

Sa ganito ko tinitingnan ang sinabi ni presumptive President Duterte sa isa sa kanyang mga press conference pagkatapos ng halalan. Binigyan umano niya ng shoot to kill order ang mga pulis at military na humuhuli ng kriminal na manlalaban na maglalagay sa kanila sa panganib. Ang mga Secret Marshall at Crimebuster ay wala naman palang lisensiyang pumatay o kautusan na pumatay ng hold upper, pero ginawa nila ito. Kasi, kinuha nilang kapangyarihan ito mula sa kautusan ng Pangulo na lumikha sa kanila. Paano ngayon itong shoot to kill order ni Duterte? Mag-uudyok sa mga may kapangyarihang pumatay sa istilong Secret Marshall at Crimebuster dahil maliwanag ang direktibang shoot to kill order sa kanila mula sa Pangulo. Totoo, may kondisyon ang kautusan na bago ipatupad ang shoot to kill ng mga may kapangyarihan ay kailangan mapatunayang lumaban at baka sila ang mapatay kung hindi nila ito pinatay. Sa palagay kaya ninyo ay may tetestigo na lumaban nga ang hinuli? Alam ng mga may kapangyarihan patahimikin ito dahil sa kanilang shoot to kill order. Dahil alam ng testigo itong shoot to kill order, bakit pa nga nila ilalagay ang kanilang buhay sa panganib? Lalaganap lamang ang kaapihan at magiging mailap ang pagkakaisang inaasam ni Duterte kung magiging polisiya ng gobyerno ang shoot to kill. Pansamantalang takot lamang ang itatanim nito sa mamamayan, pero iisa silang aangal kapag lubusan na silang nasagasaan. (Ric Valmonte)

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika